CAYETANO: APAT NA MAJOR COMMITTEE LEADERSHIP SA 20th CONGRESS!

Pangungunahan ni Senador Alan Peter Cayetano bilang chairperson ang apat na komite sa Senado sa 20th Congress matapos aprubahan ang listahan ng mga bagong mamumuno sa lupon nitong Martes, July 29, 2025.

Isa sa mga bagong komiteng hawak ni Cayetano ang Committee on Justice and Human Rights na pinakamahalaga at sensitibong komite pagdating sa usaping legal.

Nauna nang sinabi ni Cayetano na bilang isang abogado, bukas siya sa anumang komiteng nangangailangan ng kaalamang legal.

“Sabi ko lang kay Senate President Escudero, basta lahat ng pang-abogado, available ako,” sabi ng senador.

Bukod sa Committee on Justice and Human Rights, mananatili rin siyang chairman ng tatlong ibang komite: ang Committee on Accounts, Committee on Higher, Technical and Vocational Education, at Committee on Science and Technology.

Bilang chairman ng Committee on Accounts, siya ang nangangasiwa sa mga gastusin at iba pang pinansyal na gawain ng Senado. Kabilang din sa kanyang tungkulin ang pagbabantay sa konstruksyon ng New Senate Building (NSB) na inaasahang matatapos sa kalagitnaan ng 2027.

Hawak pa rin ni Cayetano ang Committee on Science and Technology. Noong nakaraang Kongreso, itinulak niya ang modernisasyon ng PHIVOLCS upang mapalakas ang kakayahan ng bansa sa pagharap sa mga sakuna.

Siya rin ang nagsulong ng Philippine National Nuclear Energy Safety Act na layong lumikha ng isang independent regulatory body para tiyakin ang ligtas at maayos na paggamit ng nuclear energy at mga kaugnay na teknolohiya.

Bilang advocate ng reporma sa edukasyon ng bansa, nananatili rin siyang chairman ng Committee on Higher, Technical and Vocational Education. Patuloy niyang itinutulak ang pagpapaganda ang kalidad ng edukasyon sa mga State Universities and Colleges (SUCs) at iba pang learning institutions.

Ngayong taon, naghain si Cayetano ng ilang panukalang batas na may kinalaman sa edukasyon, kabilang na ang pagbuo ng Third Congressional Commission on Education (EDCOM III) at ang “Makakapagtapos Ako Act of 2025,” na layong alisin ang mga problemang pinansyal na humahadlang sa pag-aaral ng mga Pilipinong estudyante,.

Ernie Reyes nag-uulat para sa RoadNews