Balik-pera bago maging state witness sa flood control projects scam – Bam

Ni Ernie Reyes

Iginiit ni Senador Bam Aquino na ibalik muna ng sinumang sangkot sa flood control scam partikular ang mga contractor at opisyal ng Department of Pubic Works and Highways (DPWH) bago ipaloob sa witness protection program (WPP).

Sa pahayag, sinabi ni Aquino na pagbabalik ng ninakaw na pondo sa flood control programs bilang kondisyon para sa sinumang indibiduwal na gustong pumaloob sa WPP o maging aspirante na maging state witnesses.

Itinanong din ni Aquino sa Department of Justice (DOJ) na kapag naisoli ang perang ninakaw na maging kondeisyon sa pagpapasaloob sa programa

“Secretary, pagdating sa pagbabalik ng pera, tama ba na puwede itong gawing kondisyon sa pagpasok sa Witness Protection Program o pagiging state witness o hindi kasama ang usapin ng pagbabalik ng pera,” ayon kay Aquino.

“Palagay ko iyan ang hinihintay ng maraming tao. Kung mayroon pong mag-i-state witness, mahalaga na maibalik ang pera na ninakaw sa ating bayan,” aniya.

Pero, nilinaw ni Justice Secretary Crispin Remulla na pangkaraniwang kautusan ng korte ang Pagbabalik ng ninakaw, pero ikonokonsidera ng DOJ ang panukalang good faith sa ebalwasyon ng potensiyal na saksi.


“Ang pagbabalik ng pera, iyan po inuutos ng korte. Pero para makita natin ang good faith ng isang testigo, isang tanong iyan na binibigay natin sa kanila,” tugon ni Remulla.

“Kasi kung gusto nilang maprotektahan, dapat iyong full good faith, isosoli talaga nila. Iyon po iyong isang test natin sa kanila. Wala iyan sa patakaran, pero isang test po kung reliable po ang witness o hindi,” aniya.

Samantala, kinumpirma din ng  Philippine Competition Commission (PCC) na  kasalukuyang iniimbestigahan ang ilang kontraktor na pinangalanan sa   Senate Blue Ribbon hearings sa maanomalyang flood control projects.

“We are already doing our preliminary inquiry of this case. We are looking at the contractors that were named during the State of the Nation Address (SONA) and the other contractors that were mentioned during the Senate Blue Ribbon hearings,” ayon kay PCC Director, Atty. Christian delos Santos, kaya Aquino.

“The next step right now is to gather evidence, such as bid documents and possible communication exchanges between them,” dagdag niya saka kinumpirma na maaaring gamitin ang testimonya sa   Blue Ribbon hearings bilang ebidensiya.

Ayon kay Delos Santos, maaaring patawan ng multang P110 milyon hanggang P250 milyon kada Insidente ang sinumang contractor o public official na naging facilitator ng maanomalyang proyekto.

Iminungkahi ni Aquino na kasuhan ng bid-rigging case s sa ilalim ng  Philippine Competition Act (PCA) laban sa tiwaling contractors na sangkot sa maanomalyang flood control projects upang mabawi ang bilyong ninakaw sa pamahalaan. 

Ernie Reyes nag-uulat para sa RoadNews