ANTI-DYNASTY, PARTY-LIST REFORM BILLS GAGAWING PRAYORIDAD NG SENADO – Lacson

Ni Ernie Reyes

Tiniyak ni Senate President Pro Tempore Panfilo “Ping” M. Lacson na ipaprayoridad ng Senado ang pagpasa ng mga panukalang batas na magpapatupad sa probisyon ng Konstitusyon laban sa political dynasties at magrereporma sa party-list system upang matigil ang korapsyon.

Binigyang-diin ni Lacson nitong Sabado na maraming kuwestiyonableng flood control at iba pang proyekto sa imprastraktura ang iniuugnay sa mga political dynasty, kung saan nagpapalitan lamang ng puwesto sa Kongreso ang magkakamag-anak.

“We’re all on the spot here. Kasi ang pinag-ugatan ng mga anomalous projects, itong political dynasty din. Parang magkamaganak sila, ang anomalous projects dahil sa political dynasty. Dinugtong na ng netizens. Nakita nilang isang culprit sa anomalous FCPs dahil sa political dynasty kasi palit-palit sila,” ani Lacson sa panayam sa isang istasyon ng radio.

“So pagbalik namin sa Enero tuloy tuloy yan hanggang maipasa on third reading. Kanya kanyang version lang yan ang kailangan ayusin ang mga version,” dagdag niya.

Nang tanungin kung malaking hakbang ba ang pagpasa ng anti-dynasty bill para mapigil ang korapsyon, sinabi ni Lacson: “Sa tingin ko malaki, malaking bagay para mabawasan ang katiwalian.”

Ani Lacson, naghain siya ng sariling bersyon ng anti-dynasty bill bilang isa sa kanyang mga prayoridad, na sumasaklaw hanggang ikalawang antas ng consanguinity at affinity.

Dagdag niya, kumpiyansa siyang marami sa mga mambabatas ang susuporta sa pagpasa ng naturang panukala kahit pa maapektuhan ang ilan sa kanila, lalo na ngayon na nasa ilalim ng matinding pagbabantay ng publiko ang Kongreso bunsod ng galit ng mamamayan sa mga anomalya sa mga proyekto.

Suportado din ni Lacson ang pagpasa ng panukalang magrereporma sa party-list system upang matiyak na tunay na mapapakinabangan ito ng mga sektor na marhinalisado at hindi maaabuso.

Binanggit niya na maraming party-list groups ang lumabas na may kaugnayan sa malalaking kontratista na nasasangkot sa korapsyon.

“Di pwedeng haluan. Alam natin ang marginalized na di marginalized kundi bilyonaryo,” ani Lacson. “Sana ma-correct at sana bago pumasok sa 21st Congress maayos ang batas na yan ang priority measures.”