MAS MALAKING PONDO SA EDUKASYON, PANGAKONG TINUPAD NI AQUINO: ‘Free College Act’
Ni Ernie Reyes
Tinupad ni Senador Bam Aquino ang kanyang mga pangako noong kampanya matapos aprubahan ng Bicameral Conference Committee ang isinulong niyang mas mataas na pondo para sa edukasyon, Libreng Kolehiyo at Tertiary Education Subsidy (TES), pati na ang pinansiyal na tulong para sa Related Learning Experience (RLE) ng mga estudyante sa ilalim ng 2026 national budget.
Inaprubahan ng bicam ang P67 bilyon para sa implementasyon ng Republic Act No. 10931 at dagdag na pondo para sa TES, na nakapaloob sa P1.38 trilyon pondo para sa edukasyon – ang pinakamalaki sa kasaysayan ng bansa. Kasama sa budget ang P68 billion para sa paggawa ng classroom at P25.6 bilyon para sa School-Based Feeding Program.

“Ito’y katuparan ng ating mga pinangako noong nakaraang halalan na isusulong ang sapat na pondo para sa edukasyon. Umaasa tayong malaki ang maitutulong nito para tugunan ang mga sari-saring problema sa edukasyon – mula sa pagbawas ng napakalaking classroom backlog at pagtiyak ng mas maayos na nutrisyon para sa mas maraming estudyanteng Pilipino,” wika ni Aquino sa isang pahayag.
“Nagpapasalamat tayo kina Senate President Tito Sotto, House Speaker Bojie Dy, Senate Finance Committee Chair Sen. Sherwin Gatchalian, House Committee on Appropriations Chair Rep. Mika Suansing, sa ating mga kapwa mambabatas, at sa taumbayan na aktibong tumutok at nagbantay sa proseso upang masiguro na hindi nabawasan ang pondo ng edukasyon sa national budget,” dagdag pa ni Aquino, chairperson ng Senate Committee on Basic Education.
Kasamang naaprubahan ang rekomendasyon ni Aquino na dagdagan ng ₱500 milyon ang Maintenance and Other Operating Expenses (MOOE) ng Higher Education Development Program, na gagamitin para sa “Financial Support for RLE Requirements in Allied Health Sciences Programs.”
Kabilang sa mga allied health sciences programs ang Nursing, Medical Technology/Medical Laboratory Science, Pharmacy, Physical Therapy, Occupational Therapy, Respiratory Therapy, Radiologic Technology, Midwifery, Nutrition and Dietetics, Speech-Language Pathology, Human Biology/Pre-Med Allied Programs, Dentistry, Biochemistry, at Psychology.
“Napakalaking tulong ng pondong ito sa ating mga estudyante ng nursing at allied health sciences programs na nahihirapan sa mabigat na bayarin sa RLE,” wika ni Aquino.
“Sa pamamagitan nito, mababawasan ang kanilang pasanin sa pag-aaral at makatutulong ito para maabot ang kanilang pangarap na magandang buhay, hindi lang para sa kanilang sarili, kundi para sa kanilang pamilya at mahal sa buhay,” dagdag pa niya.
Nalaman ni Aquino ang isyu noong panahon ng kampanya para sa 2025 senatorial elections nang iparating sa kanya ng maraming nursing students ang mataas na gastos na kanilang pinapasan para sa RLE, na katumbas ng on-the-job training (OJT) at isang requirement para sa pagtatapos ng kursong nursing.
Sa ilalim ng isang special provision sa 2026 budget, gagamitin ang pondo upang magbigay ng one-time financial support na sasagot sa mga gastusin para sa RLE requirements ng mga estudyante sa allied health sciences programs.
Ayon kay Aquino, bibigyang-prayoridad ang low-income students sa patakarang ilalabas ng Commission on Higher Education (CHED) upang matiyak ang patas at epektibong pagpapatupad ng probisyon.
Upang maisabatas ito, naghain din si Aquino ng Senate Bill No. 123, na naglalayong gawing libre ang RLE sa State Universities and Colleges (SUCs) at Local Universities and Colleges (LUCs).
Sa ilalim ng panukalang batas, maaaring mag-apply ang mga nursing students sa private universities para sa TES assistance upang masagot ang mga gastusin sa RLE.
Hinikayat din niya ang publiko na manatiling mapagmatyag upang masiguro na ang P1.38 trilyong pondo ay mapupunta sa edukasyon at hindi sa korapsyon.
“Sama-sama nating bantayan ang pondo hanggang sa mapirmahan ng Pangulo. Tiyakin din natin na ito’y mapupunta sa edukasyon, hindi sa korapsyon,” giit niya.
