MANIPULASYON SA BADYET, DAPAT BANTAYAN NG PUBLIKO, MEDIA – Lacson

Ni Ernie Reyes

Kailangang manatiling mapagbantay ang media at publiko upang mabuking ang mga pagtangkang manipulasyon sa panukalang badyet, lalo na’t naka-livestream na ang mga pagdinig ng bicameral conference committee, ayon kay Senate President Pro Tempore Panfilo “Ping” M. Lacson ngayong Linggo.

Giit ni Lacson, makatutulong ito upang hindi magpilit ang mga mambabatas na pondohan ang mga kuwestiyonableng programa, lalo na ang mga may kinalaman sa political patronage.

“Ang susi diyan is kayo, media at publiko. Kasi pag bumitaw tayo tulad sa flood control project anomalies, pag bumitaw diyan, babalik tayo sa dati. Kaya dapat hindi lang sa flood control projects, pati MAIFIP (Medical Assistance to Indigent and Financially Incapacitated Patients Program), pati FMR (farm-to-market roads), dapat nakabantay,” aniya sa panayam sa isang istasyon ng radyo.

Diin ni Lacson, nakapagpapalakas ng loob na nakikialam na ang publiko at kinukwestiyon ang malaking dagdag-pondo sa MAIFIP at ang bilyun-bilyong alokasyon para sa farm-to-market roads sa panukalang badyet.

Nauna nang tinuligsa ni Lacson ang pondong inilaan sa mga nasabing item, at sinabing hindi niya lalagdaan ang ratipikasyon ng bicameral conference committee report sa badyet kung hindi ito maitama.

“Ito ang magandang outcome ng transparent at livestream. Hagip agad ng media kung anong pinagusapan doon. Ngayon may puna na, ang MAIFIP pork barrel ang turing ng kababayan natin. Ang farm-to-market roads parang ganoon din,” aniya.

“So naging aware pati ang mambabatas kasi pag may ganyan we have to be sensitive especially at this time in our history kasi unprecedented itong nangyari sa atin kaya nag-livestream,” dagdag niya.

Muli ring pinaalalahanan ni Lacson ang kanyang mga kapwa mambabatas na hindi pa humuhupa ang galit ng publiko kaugnay ng katiwalian sa mga maanomalyang flood control projects, at ang anumang tangkang manipulahin ang badyet upang pondohan ang mga kuwestiyonableng programa — tulad ng napaulat na tangkang buhayin ang Tulong Dunong program — ay naghahanap lamang ng batong pampukpok sa ulo.

Noong inaamyenda ang bersyon ng Senado ng panukalang badyet, itinulak ni Lacson ang pagtanggal ng P2.727 bilyon mula sa Tulong Dunong program — kung saan mga mambabatas ang namimigay ng scholarship — at ang paglilipat nito sa Tertiary Education Subsidy (TES) na pinangangasiwaan ng Commission on Higher Education (CHED).

“Hindi pa humuhupa ang galit ng mga kababayan natin sa flood control projects. Ito na naman, panibagong bato na naman itong ipupukpok sa ulo namin, ang MAIFIP at farm to market roads. Kung ibabalik pa ang Tulong Dunong, pangatlong bato yan,” ani Lacson.