P1.38T EDUCATION BUDGET, APRUB SA BICAM, KABATAAN PANALO – Aquino

Ni Ernie Reyes

Panalo ang kabataang Pilipino sa pag-apruba ng Bicameral Conference Committee sa P1.38 trilyong budget para sa edukasyon sa 2026 national budget, ayon kay Senador Bam Aquino pagkatapos ng deliberasyon nitong Sabado.

Sa pahayag, sinabi ni Aquino, chairman ng Senate committee on education na kabilang sa inaprubahan ng bicam panel ang P68 bilyon sa pagtatayo ng mga silid-aralan, P25.6 bilyon para sa School-Based Feeding Program, P67 bilyon para sa Libreng Kolehiyo, at mas mataas na pondo para sa Tertiary Education Subsidy (TES).

“Ito’y katuparan ng ating mga pinangako noong nakaraang halalan na isusulong ang sapat na pondo para sa edukasyon,” aniya.

Umaasa si Aquino na malaki ang maitutulong nito upang tugunan ang mga sari-saring problema sa edukasyon – mula sa pagbawas ng napakalaking classroom backlog at pagtiyak ng mas maayos na nutrisyon para sa mas maraming estudyanteng Pilipino.

“Nagpapasalamat tayo kina Senate President Tito Sotto, House Speaker Bojie Dy, Senate Finance Committee Chair Sen. Sherwin Gatchalian, House Committee on Appropriations Chair Rep. Mika Suansing, sa ating mga kapwa mambabatas, at sa taumbayan na aktibong tumutok at nagbantay sa proseso upang masiguro na hindi nabawasan ang pondo ng edukasyon sa national budget,” ayon sa mambabatas na defender ng kabataan.

“Ngunit hindi pa rito natatapos ang ating trabaho. Sama-sama nating tiyakin na sa edukasyon at hindi sa korapsyon mapupunta ang pondo,” aniya.