LGUs, pinakikilos ni Gatchalian sa pagpapabilis ng pagpapatayo ng classroom
Ni Ernie Reyes
Sa gitna ng patuloy na kakulangan ng mga silid-aralan sa buong bansa, hinimok ni Senador Win Gatchalian ang mga lungsod na tumulong sa pagpapabilis ng pagpapatayo ng mga school buildings.
Sa pahayag, sinabi ni Gatchalian na mapapabilis ang pagtatayo ng silid-aralan sa ganitong sistema upang matiyak na may sapat at ligtas na espasyo ang mag-aaral.
Ang panawagan ni Gatchalian ay kasunod ang paglagda ng isang memorandum of agreement ngayong araw sa pagitan ng Department of Education (DepEd) at ng mga lungsod sa bansa para sa isang nationwide classroom building program.
Ayon kay Gatchalian, naaayon ang naturang kasunduan sa layon ng 2026 national budget, kung saan pinahihintulutan ang DepEd na gumamit ng iba’t ibang paraan sa pagpapatayo ng mga silid aralan.
Sa ilalim ng 2026 national budget, maaaring magkaroon ng MOA sa pagitan ng DepEd at ng iba’t ibang mga ahensya ng pamahalaan, kabilang ang mga local government units (LGUs), upang magpatayo ng mga silid-aralan.
Maaari ring makipagtulungan ang DepEd sa mga non-governmental organizations at mga civil society organizations para sa pagpapatayo ng mga silid-aralan.
Mahigit P65 bilyon ang inilaan ngayong taon para sa pagpapatayo, pagpalit, at pagkumpleto ng mga school buildings para sa kindergarten, elementary, at high school, kabilang ang mga technical vocational laboratories.
Tinatayang 147,000 na mga silid-aralan ang kulang sa bansa buhat noong Hulyo 2025.

“Mahalaga ang pakikipagtulungan natin sa mga lungsod upang makapagpatayo tayo ng mas maraming silid-aralan. Kung maraming lungsod ang sabay-sabay na kikilos, mababawasan ang mga silid-aralan na may nagsisiksikang mga mag-aaral,” ani Gatchalian, Chairman ng Senate Committee on Finance.
