LIPAT-DAYCARE, TINUTULAN NG BARANGAY TAÑONG

Ni Iza Aldana

Mariing tinutulan ni Barangay Captain Danny del Castillo ang planong paglipat ng daycare center sa Barangay Tañong matapos mabigla sa isang liham mula sa LGU na nagsasaad ng relokasyon nito sa Dalapeña site.

Ayon sa kapitan, una niyang nalaman ang plano nang ipakita sa kanya ng daycare teacher na si Ms. Chernelly Carrillo ang naturang liham. Aniya, labis itong ikinababahala dahil kakamakailan lamang ay nawala na ang elementary school sa kanilang barangay, at daycare naman ang kasunod.

Binigyang-diin ni del Castillo na may sapat at maayos nang community center sa Tañong na maaaring paglagyan ng daycare, at iginiit na ang paglipat ay magdudulot ng panganib at dagdag-gastos sa mga magulang at bata.

“Hindi ito politika. Mga bata ang kawawa,” ani del Castillo, na nanawagan sa lokal na pamahalaan na muling ikonsidera ang desisyon at unahin ang kapakanan ng mga bata.

Patuloy namang hinihintay ang pahayag ng LGU hinggil sa isyu.