Marcoleta kinastigo ni Lacson sa pekeng akusasyon sa blue ribbon: ’Walang basehan’
Ni Ernie Reyes
Matinding kinastigo ni Senate President Pro Tempore Panfilo “Ping” M. Lacson kamakailan ang lahat ng pekeng premise na binanggit ni Sen. Rodante Marcoleta hinggil sa imbestigasyon ng Blue Ribbon Committee sa flood control scandal, kabilang ang banta nitong ethics complaint laban sa kanya.
Ayon kay Lacson, walang basehan ang panawagan ni Marcoleta na imbitahan si dating Undersecretary Adrian Bersamin sa Blue Ribbon probe kaugnay ng diumano’y text messages kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr., dahil hindi naman nabanggit si Bersamin sa talaan ng komite.
Wala ring basehan ang banta ni Marcoleta ng ethics complaint kaugnay ng diumano’y spliced na video, dagdag ng mambabatas.

“Mali-mali ang premise lagi niya. Nagbibintang siya, mali ang kanyang premise. Puro fake eh,” ani Lacson sa isang panayam sa DZBB.
Sa imbestigasyon ng Blue Ribbon Committee, sinabi ni Lacson na hindi kailanman na-implicate si Bersamin.
Nabanggit lamang si Undersecretary Bersamin nang nag-interpellate si Lacson sa Development Budget Coordination Committee (DBCC) noong nakaraang budget deliberations, batay sa pahayag ni dating DPWH Undersecretary Roberto Bernardo.
“Pero hindi naman niya tinestify sa Blue Ribbon Committee yan. For some reason wala ring nagtanong sa kanya. Kung may nagtanong sa kanya at binanggit niya yan e di meron kaming ipu-pursue,” dagdag niya.
Binigyang-diin ni Lacson na hindi target ng imbestigasyon ang sinuman: “Sabi ko hindi tayo nagta-target. Kung nagta-target tayo witch-hunt ang tawag doon na walang basehan… Mahirap kung magsimula tayong mag witch-hunt wayward na. Parang ang gulo na ng pagdinig natin niyan,” aniya.
Ayon kay Lacson, may mga senador nang nagsabing pipirma sila sa partial report ng Blue Ribbon Committee, na maaaring may interpellations at amendments. Kailangan ng siyam na pirma — majority ng 17 regular na miyembro — bago maipasa ang report sa Bills and Index section.
‘Ethics Complaint’
Kinwestiyon din ni Lacson ang banta ni Marcoleta na magsampa ng ethics complaint laban sa kanya dahil sa diumano’y “splicing” ng recording ng pahayag ni Marcoleta na nagmumungkahi na isuko natin ang Kalayaan Island Group sa China.
Sinabi ni Lacson na ang Reel sa opisyal niyang Facebook page, na pinamamahalaan ng kanyang Senate office, ay nag-replay lamang ng pahayag ni Marcoleta sa hearing ng Commission on Appointments at walang splicing na naganap.
“Sa haba ng discourse niya, naputol sa sinabing i-give up natin. So anong na-splice doon? Di naman kailangan i-splice ang sinabi niya kundi ire-replay mo lang,” ani Lacson.
“I don’t know anong basehan niya pero it is his right na mag-file ng ethics complaint kung gusto niya. Pero sinasabi ko na sa kanya na hindi ako marunong mag-splice,” dagdag niya.
