TRAFFIC VIOLATIONS AT MGA BANGGAAN SA BOSS IRONMAN, IBINULGAR NI TULFO SA SENADO
Ni Nelle de San Jose
Kinalampag ni Sen. Raffy Tulfo ang kontrobersyal na Boss Ironman Endurance Challenge matapos umanong masangkot ang mga participants nito sa paglabag sa batas trapiko at mga naiulat na aksidente sa kalsada.
Sa pagdinig ng Senate Committee on Tourism, agad na nagpakita ang senador ng mga video kung saan patunay ito na kamote ang mga motoristang kalahok sa naturang Endurance Challenge.
Sa videos na inilabas, makikitang rumaragasa ang ilang riders—dumaraan sa red lights, nagka-counterflow, at may ilan pang nasasangkot sa salpukan kasama ang iba pang mga motorista.
Ayon kay Tulfo, dinagsa siya ng reklamo mula sa mga tricycle driver na agad hinuhuli at tinitiketan kapag nagkamali sa daan. Ang mga nagreklamo ay sinabing mahigpit sa kanila ang batas trapiko pero bakit sa mga motoristang ito ay tila ba nakakalusot sa batas.

“Dahil ba Boss Ironman kayo, exempted na kayo sa batas?” giit ng senador. Aniya, walang sinuman ang dapat maging espesyal sa implementasyon ng traffic rules sa kalsada.
Bukod pa rito, kinuwestiyon din ni Tulfo kung may sapat bang skills assessment ang mga organizers bago payagang lumahok ang mga rider.
Aniya, dapat umano’y tiyakin na bihasa ang mga ito sa pagmamaneho at may sapat na kaalaman sa road safety.
Binigyang diin naman ng mambabatas na wala siyang tutol kung ang aktibidad ay nagiging paraan para mapaunlad ang turismo sa bansa o para sa charity.
Pero kung may mga namamatay, nasusugatan, at naaabala sa kalsada, ibang usapan na raw iyon.
“Wala akong problema kung ang pagmomotorsiklo ay nakakatulong upang umangat ang ating turismo at makatulong kayo sa kapwa kahit barya-barya lang ang ibinibigay niyong charity, ang kaso, marami nang namamatay, nasusugatan at napeperwisyo sa kalsada.”
Dagdag pa ng senador, may natatanggap din umano siyang impormasyon na nagiging karera na ang naturang endurance ride, at hindi lang daw ito basta endurance challenge dahil ang malala ay may umano’y pustahan pa ng ilang pulitikong sangkot dito.
Sa kabilang banda, ayon sa mga opisyal ng naturang kaganapan, ang BOSS IRONMAN CUP ay isang endurance lamang na nakasentro sa disiplina at hindi isang karera.
Samantala, nilinaw naman ni Tulfo sa kontrobersyal na endurance challenge na kung gusto gawing karera, dalhin sa tamang venue—hindi sa pampublikong kalsada kung saan buhay ng ordinaryong motorista at pedestrian ang nakataya.
