SIKAD, KINONDENA ANG ISWIMS AT RIZAL LGU SA UMANO’Y COVER-UP SA TRASHSLIDE TRAGEDYA; AGARANG RESCUE AT IMBESTIGASYON, HINILING
PRESS RELEASE
Pebrero 23, 2026
Ni Iza Aldana
Mariing kinondena ng SIKAD ang International Solid Waste Integrated Management Specialist Inc. (ISWIMS) at ang Rizal Provincial Government kaugnay ng umano’y malinaw na pagtatakip (cover-up) sa naganap na trashslide sa Rizal Provincial Sanitary Landfill (RPSL) noong Pebrero 20, 2026. Nanawagan ang grupo ng agarang rescue at retrieval operations, isang malaya at transparent na imbestigasyon, at makatarungang danyos at ayuda para sa mga apektadong scavengers.
Ayon sa SIKAD, nakikiisa sila sa mga scavengers ng RPSL na dumanas ng dalawang malalaking pagguho ng basura noong naturang petsa. Hiniling ng grupo na panagutin ang ISWIMS—na kasalukuyang pinamamahalaan umano ni Dennis Sandil—dahil sa malubhang kapabayaan sa pamamahala ng landfill. Batay sa ulat ng mga lokal, ang hindi kontrolado at hindi ginagamot na basura ay naiipon at nagiging maluwag, dahilan upang madaling matabunan ang mga nagtatrabaho sa lugar.
Ipinunto rin ng SIKAD na ang kapabayaang ito ay nagbunsod na ng ilang hindi naiuulat na trashslide sa nakalipas na dekada. Ayon sa mga residente, may hindi bababa sa anim (6) na malalaking insidente mula 2010 na nagdulot ng malulubhang kaswalti, hindi pa kabilang ang mga minor slides.
Tinuligsa rin ng grupo ang umano’y pagpapaliit ng ISWIMS at ng LGU sa insidente, matapos igiit na “pinalabis” umano ang ulat ng mga saksi hinggil sa mahigit 50 kataong nawawala. Giit ng SIKAD, kung talagang may pagdududa sa mga bilang na ito, nararapat lamang ang isang bukas at independiyenteng imbestigasyon, at ang patuloy na pag-iwas ay lalo lamang umanong nagpapalakas ng hinala.
May mga saksi ring nagsabing mahigit 20 katao ang nakita nilang kumakapit sa isang bulldozer sa pag-asang mailigtas, ngunit ang operator lamang ang nakatalon at nakaligtas. Dagdag pa ng SIKAD, patuloy umanong tinatanggihan ng ISWIMS ang pagpasok ng media sa landfill matapos ang insidente. May ulat din ng pangha-harass sa mga residente, kabilang ang pagkumpiska ng cellphone, sapilitang pagbura ng larawan at video, pagbabawal ng gadgets, at pagsunod-sunod ng mga guwardiya sa loob ng landfill, kalakip ang umano’y banta ng pagbabawal at pagsasara ng kabuhayan kung may lalabas na impormasyon sa media.
Mas lalong ikinabahala ng SIKAD ang ulat na nagpatuloy ang operasyon ng landfill na tila “business as usual” kahit may mga taong nananatiling nawawala, at patuloy ang pagtatapon ng basura sa lugar.
Binalikan din ng grupo ang isang resolusyong inihain noong 2024 laban sa ISWIMS kaugnay ng “unethical practices,” kabilang ang hindi pagbibigay ng benepisyo sa mga manggagawa, pagturing sa mga scavengers bilang “volunteers,” at malinaw na paglabag sa Occupational Safety and Health (OSH) protocols. Ayon sa SIKAD, matagal nang batid ng mga lokal na opisyal at maging ng pambansang pamahalaan ang mga isyung ito, ngunit nabigo umanong kumilos, dahilan upang pagdudahan ng komunidad ang posibleng pakikipagsabwatan sa patuloy na kapabayaan at pang-aabuso.
Sa pagtatapos, iginiit ng SIKAD ang kanilang buong suporta sa mga scavengers ng Rizal Provincial Landfill. Anila, kung sisimulan na ang matagal nang hinihiling na imbestigasyon at retrieval operations, dapat tiyakin ang agarang danyos at ayuda para sa lahat ng manggagawa at boluntaryo, lalo na habang ipinapasara ang pasilidad. Hiniling din nila ang ganap na transparency ng LGU sa paghawak ng isyu at ang reporma sa mapagsamantalang praktis ng ISWIMS, kabilang ang mahigpit na pagsunod sa OSH protocols upang hindi na muling mangyari ang ganitong trahedya.

