Francis Leo Marcos at Makagago, Nagkaroon ng Mainit na Palitan sa PNP-CIDG Press Conference

Ni Iza Aldana

Nagkaroon ng mainit na palitan ng salita sa pagitan ng vlogger na si Norman Mangusin, na mas kilala bilang Francis Leo Marcos, at kapwa vlogger na si Makagago sa isang press conference na isinagawa ng Philippine National Police–Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) nitong Martes, Pebrero 24.

Ayon sa PNP-CIDG, si Mangusin ay nahaharap sa 12 bilang ng kasong unjust vexation, na may kaukulang piyansang tinatayang higit sa P100,000.

Sa gitna ng press conference, tinalakay ni Mangusin ang matagal nang alitan nila ni Makagago na nagsimula pa noong 2020. Aniya, una umano siyang nagsampa ng kaso laban sa kapwa vlogger at patuloy pa rin ang pag-usad ng naturang usapin hanggang sa kasalukuyan.

Ipinahayag ni Mangusin na labis umano siyang naapektuhan ng mga pahayag at isyung ibinabato laban sa kanya sa social media at maging sa telebisyon. Ayon sa kanya, nagdulot ito ng kahihiyan at pinsala sa kanyang reputasyon.

Sa naging palitan ng pahayag, iginiit ni Mangusin na hindi umano totoo ang mga paratang laban sa kanya at sinabi niyang may mga legal na hakbang na isinagawa kaugnay ng kanilang hidwaan. Nagbigay rin siya ng babala na may mga susunod pang aksiyong legal na maaaring kaharapin ang kanyang kausap.

Wala pang pahayag ang kampo ni Makagago hinggil sa insidente at sa mga pahayag na ibinato laban sa kanya sa naturang press conference.

Samantala, sinabi ng PNP-CIDG na patuloy ang kanilang pagproseso sa mga kasong inihain at pinaalalahanan ang publiko na iwasan ang pagpapakalat ng mapanirang pahayag, lalo na sa social media, habang nakabinbin ang mga usaping legal.