Libreng Tents at Mga Karagdagang Proyekto, Inilunsad Sa Barangay Concepcion Uno; Kasunod Ang Panawagan Sa Karagdagang Serbisyo At Peace And Order Sa Concepcion Uno Ng Ilang Hoa Members

Ni Iza Aldana

MARIKINA— Naglaan ng libreng tents ang Sangguniang Kabataan (SK) ng Concepcion Uno bilang tugon sa kahilingan ng ilang home-owners associations (HOA) na madalas nahihirapang manghiram ng gamit para sa mga aktibidad sa kanilang komunidad.

Ayon sa pamunuan ng SK, lumapit ang ilang HOA upang iparating na tuwing may lamay, birthday, pagpupulong, at iba pang pagtitipon, kadalasang fully booked ang tents ng barangay at lokal na pamahalaan. Dahil dito, nagpasya ang SK na direktang maglaan ng sariling tents upang mas mabilis at mas maayos na matugunan ang pangangailangan ng mga residente.

Nagpahayag ng pasasalamat ang ilang HOA members sa naturang inisyatiba, at sinabing malaking ginhawa ito lalo na sa mga pamilyang may agarang pangangailangan. Gayunman, binanggit din ng ilang opisyal ng HOA na bukod sa tents, marami pang iba’t ibang pangangailangan ang bawat asosasyon depende sa sitwasyon ng kanilang subdivision — kabilang ang mga karagdagang kagamitan para sa community events, tulong medikal, at iba pang serbisyong panlipunan.

Dagdag pa nila, mahalaga rin ang mas pinaigting na programa para sa peace and order sa loob ng mga subdivision upang masiguro ang kaligtasan ng mga residente, lalo na sa gabi at sa panahon ng malalaking pagtitipon.

Bukod sa pagbibigay ng tents, isinusulong din ng SK ang pagtatayo ng dalawang solar-powered covered courts na inaasahang magsisilbing lugar para sa sports, aktibidad ng kabataan, at iba pang community events. Layunin umano ng mga proyektong ito na hindi lamang kabataan ang makinabang kundi ang buong komunidad.

Ayon sa pamunuan ng SK Chair Yuri Edullan, tapos na ang eleksyon at ang pangunahing pokus ngayon ay serbisyo publiko. Hangarin nilang mas mapalapit ang mga programa ng pamahalaan sa mga residente at matulungan ang bawat HOA na maging mas organisado, mas ligtas, at mas self-sustaining.

https://www.facebook.com/reel/1414299657099316