SoKor Pres. Lee, Nasa Pinas para sa 2-day State visit: UGNAYANG DEPENSA at KALAKALAN, PINALAKAS
Ni Nelle de San Jose
Mainit na tinanggap ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. si South Korean President Lee Jae Myung sa Malacañang ngayong Martes para sa dalawang araw na state visit nito.
Kasama ni Lee ang kanyang maybahay na si First Lady Kim Hea Kyung sa seremonyal na pagtanggap.
Ang pagbisita ni Lee sa bansa ay may layuning palakasin ang diplomatikong ugnayan ng Pilipinas at South Korea at talakayin ang mahahalagang isyu sa pagitan ng dalawang bansa.
Matatandaang ang Pilipinas at South Korea ay may malapit na ugnayan partikular sa strategic partnership sa kalakalan, imprastruktura, enerhiya, paggawa ng modernong barko at depensa.
Samantala, sa gitna ng tensyon at pagbabago ng sitwasyon ng mga bansa sa buong mundo, sentro sa naging usapan ng dalawang lider ang pagpapalakas ng kooperasyon sa depensa at seguridad sa karagatan.
Tinalakay rin ang pagpapalawak ng ugnayang pangkalakalan kaya kasama sa pulong ang ilang gabinete kabilang sina Trade Sec. Cristina Roque at Finance Sec. Frederick Go.
Habang tumitindi naman ang tensyon sa Middle East, ang dalawang bansa ay nakahanda na sa maaaring epekto nito sa global supply ng enerhiya at ekonomiya.

