RED TIDE ALERT: 744 PAMILYA NG MANGINGISDA, TINULUNGAN NG BFAR SA PANGASINAN

Ni Nelle de San Jose 

Umabot sa 744 pamilya ng mga mangingisda sa Anda at Bolinao, Pangasinan ang nakatanggap ng ayuda matapos tamaan ng red tide ang kanilang kabuhayan.

Ayon sa Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) Ilocos, 440 pamilya umano ang benepisyaryo mula sa Bolinao habang 304 naman mula sa Anda.

Ayon kay BFAR-1 Unit Head Jamille Estolas, posible pang madagdagan ang mga makakatanggap ng tulong dahil muling naglabas ng red tide advisory ang pamahalaan sa naturang lugar.

“Baka madagdagan ulit since kalalabas na naman po ng Red Tide Advisory,” giit ni Estolas.

Ang mga ayuda umano ay may laman na bigas, sardinas, tuna, corned beef, instant coffee at iba pang pangunahing pagkain.

Nagtutulungan rin ang iba’t ibang ahensya ng gobyerno at mga lokal na pamahalaan para magbigay pa ng karagdagang tulong sa mga apektadong pamilya.

Samantala, nagsimulang maapektuhan ang kabuhayan ng mga mangingisda sa lugar noong nagpositibo sa red tide toxin ang mga shellfish sa dalawang bayan nitong January 15.

Ayon sa eksperto, ang red tide ay nagdudulot ng panganib sa kalusugan na sanhi ng pagkonsumo ng kontaminadong shellfish na puwedeng ikamatay ng kakain.

Kaya naman nagbabala ang ahensya na bawal manghuli, magbenta o kumain ng shellfish sa apektadong lugar.