Bam sa DepEd: PONDO SA PAGTATAYO NG SILID-ARALAN, DOWNLOAD AGAD sa LGUs
Ni Ernie Reyes
Bilang bahagi ng mga pagsisikap na matugunan ang napakalaking classroom backlog, hinimok ni Senador Bam Aquino ang Department of Education (DepEd) na i-download ang pondo para sa pagtatayo ng silid-aralan sa mga local government units (LGUs) sa lalong madaling panahon upang masimulan nila agad ang pagtatayo ng silid-aralan.
Ayon kay Aquino, mahalagang ma-download agad ang pondo upang masimulan na ang target na makapagtayo ng 25,000 silid-aralan gamit ang P65 bilyong pondo sa ilalim ng 2026 national budget.

“Mahalagang maibaba sa lalong madaling panahon ang pondo sa ating mga katuwang na lokal na pamahalaan para agad nang masimulan ang pagtatayo ng mga classroom,” ani Aquino.
“Sa ganitong paraan, mas mapapabilis ang pagpapatayo ng mga silid-aralan at mas maraming estudyante ang mabibigyan ng maayos at ligtas na lugar para matuto,” dagdag pa niya.
Bilang chairperson ng Committee on Basic Education, isinulong ni Aquino ang pagtaas ng budget para sa pagtatayo ng silid-aralan sa 2026 national budget bilang paraan upang matugunan ang 165,000-silid-aralan backlog.
Sa ilalim ng 2026 national budget, binigyan ng DepEd ng malawak na kakayahan ang mga pamamaraan para sa pagtatayo ng silid-aralan, kabilang ang pakikipagtulungan sa mga LGU, civil society organizations, at non-governmental organizations na may napatunayang track record.
Sa kanilang parte, dapat pumasok ang mga LGU sa isang memorandum of agreement sa DepEd upang ma-access ang pondo para sa pagtatayo ng silid-aralan.
Inaprubahan din ng Senado ang Classroom-Building Acceleration Program Act o Senate Bill No. 1482 ni Aquino sa third and final reading sa botong 22-0, na walang negatibong boto at walang abstention.
Sa ilalim ng batas, maaaring magtayo ng mga silid-aralan ang LGUs at non-governmental organizations (NGOs) na may napatunayang track record sa kanilang nasasakupan, alinsunod sa mga pamantayan at gabay ng DepEd.
Binibigyang-prayoridad din ng batas na mapadali ang proseso ng pagtatayo ng silid-aralan at naglalaman ng mga proteksyon laban sa korapsyon sa pamamagitan ng pagtatakda ng price ceiling para sa konstruksyon ng silid-aralan.
Bukod sa pagtugon sa backlog, inaasahan ding makakatulong ang pagtatayo ng mga bagong silid-aralan sa paglikha ng trabaho, dahil ito ay magbibigay ng mahigit 100,000 bagong hanapbuhay sa buong bansa, ayon kay Aquino.
