BRC bukas pa sa18 ex-Marines, pero affidavit dapat ilapit sa katotohanan – Lacson

Ni Ernie Reyes

Nananatiling bukas ang pintuan ng Senate Blue Ribbon Committee sa 18 “ex-Marines” na nag-angking naghatid ng kickbacks sa ilang personalidad — basta’t ilapit nila ang testimonya nila sa katotohanan, ayon kay Senate President Pro Tempore at Blue Ribbon panel chairman Panfilo “Ping” M. Lacson nitong Biyernes.

Sa pahayag, sinabi ni Lacson na kung nasa loob ng reyalidad ng posibilidad ang mga testimonya ng 18,  matagal na sana silang inimbitahan ng komite sa pagdinig upang pakinggan ang kanilang pahayag.

“Hindi naman sarado ang pintuan ng Blue Ribbon Committee para dinggin sila. Pero ayusin lang nila para hindi maging circus,” aniya sa isang panayam sa DZBB radio.

Ayon kay Lacson, bagama’t hindi maikakaila na may mga cash delivery na ginawa sa ilang benepisyaryo kaugnay ng umano’y kickbacks mula sa mga flood control project, may ilang bahagi ng mga unang pahayag ng 18 na tila lampas sa makatotohanang posibilidad—kabilang ang sinasabing kabuuang P805 bilyon na cash deliveries.

Nauna nang itinuro ni Lacson hindi lamang ang “impossibility” ng ganoong kalaking halaga kundi pati ang napakahirap na aspetong logistikal ng paghawak at aktuwal na pagdadala ng naturang pera.

Hinimok na niya si Levito Baligod — na nagprisinta sa 18 sa isang press conference sa Club Filipino noong Peb. 24 — na gawin ang mga kinakailangang hakbang hinggil dito.

“Pagisipan nilang mabuti yan. Pwede naman silang mag-retract, sabihing na-overlook. Basta ilapit sa makatotohanan na di magmumukhang pinatulan natin ang kabulaanan,” aniya.

“Ayusin lang ninyo ang affidavit, ilapit ninyo sa katotohanan, at tatawag ako ng pagdinig,” dagdag niya. “Sa ngayon maliwanag naman may kasinungalingan ang kanilang affidavit kasi imposible ang P805 billion… parang nakakainsulto sa katalinuhan ng mga Pilipino.”

Muling iginiit ni Lacson na layunin ng Blue Ribbon Committee na ilantad ang katotohanan at hindi ang mga kasinungalingan, habang inuulit na “we will go where the evidence leads us.”

“I-maintain ko ang aking position, we go where the evidence leads us. Hindi nagbabago yan. E may tinamaan na nga kasamahan ko, may mas titindi pa ba doon mismong kasamahan kong senador kasama sa committee report, tapos bintangan ako na may pinoprotektahan? Yan ang di ko pwede tanggapin,” aniya.

Samantala, sinabi ni Lacson na kailangan pa ng limang lagda ang partial committee report ng Blue Ribbon Committee bago ito pormal na maihain. Aniya, plano niyang kumbinsihin ang ilan pang miyembro ng majority bloc upang lumagda sa naturang ulat.