Gatchalian NABAHALA SA PATULOY NG HAZING SA KABILA NANG MAY MAHIGPIT NA BATAS
Ni Ernie Reyes
Lubhang nabahala si Senador Win Gatchalian sa tuloy-tuloy na insidente ng hazing kada taon sa kabila ng pagkakaroon ng mas mahigpit na batas nagbabawal dito — ang Anti-Hazing Act of 2018 (Republic Act No. 11053).
Kasunod ito ng pagkamatay ng 19-taong gulang na maritime student na si Kenneth Alcedo matapos ang mga natamong sugat sa isang insidente umano ng hazing.
May ilan nang kasapi na Tau Gamma Phi, ang fraternity na naiuugnay sa pagkamatay ni Alcedo, ang sumuko na sa mga awtoridad.
Dahil sa pagpapatuloy ng mga insidente ng hazing, isinusulong ni Gatchalian ang pagrepaso sa pagpapatupad ng batas.
Aniya, mahalagang suriin ang pagkakaroon ng mga insidente ng hazing sa institusyon ng gobyerno tulad ng Philippine National Police Academy (PNPA) at Philippine Military Academy (PMA).

“Nakakalungkot isiping nangyayari ang hazing sa loob mismo ng sarili nating mga government institutions na dapat ay nagsisilbing mabuting halimbawa. Kung ang sarili nating mga institusyon ay lumalabag sa sarili nating batas, malaki ang ating problema,” ani Gatchalian.
“Tingin ko kailangan din nating tutukan ang ating mga institusyon sa gobyerno. Hindi dapat nangyayari ito sa mga institusyong pinagkatiwalaan nating ipatupad ang batas laban sa hazing,” dagdag ng senador.
