VAT AALISIN sa basic goods, services, gamot vs Iran crisis – Legarda
Ni Ernie Reyes
Naghain si Senador Loren Legarda ng dalawang panukalang batas upang pababain ang presyo ng pangunahing bilihin at serbisyo habang pinalalawak ang exemption sa value-added tax (VAT) para sa mahahalagang pangangailangan at serbisyong medikal.
Sa pamamagitan ng mga panukalang ito, nais ni Legarda na magpatupad ng mas makatarungang VAT system sa bansa at magbigay-ginhawa sa mga pamilyang mababa ang kita.

“Magbibigay agad ng ginhawa ang mga hakbang na ito sa mga may mababang kita, upang matulungan silang makaraos sa araw-araw at makapagtayo ng mas maayos na kinabukasan para sa kanilang mga pamilya,” sabi ni Legarda.
“Sa pagtrato sa serbisyong pangkalusugan at pang-araw-araw na pangangailangan bilang mga pangunahing karapatan at hindi bilang mga transaksyong dapat patawan ng buwis, layunin ng mga panukalang batas na ito na mabawasan ang direktang gastos ng mga pinakanangangailangan at matiyak na mananatiling abot-kaya ang mga serbisyong medikal na nagliligtas-buhay at ang mga pangunahing pangangailangan.”
Sa ilalim ng Senate Bill No. 1851 o panukalang Differentiated Value-Added Tax Rates Act, ibababa sa 10% ang VAT para sa mga produkto at serbisyong karaniwang ginagamit ng mahihirap at middle-class na Pilipino.
Mananatili naman sa 12% ang VAT sa mga luxury goods gaya ng designer brands, alahas, mamahaling relo at premium na pabango; high-value assets gaya ng fine art, antiques, private aircraft at luxury vehicles; mga “sin” products tulad ng alak, sigarilyo at vaping items; mga produktong may panganib sa kapaligiran tulad ng legal na paputok; at premium real estate gaya ng penthouse suites, luxury condominiums at exclusive club memberships.
“Pinapababa ng sistemang ito na may dalawang VAT rate ang gastos sa pamumuhay ng karamihan sa mga Pilipino habang tinitiyak na mas makatarungang bahagi ang naiaambag ng mga may mataas na kita sa pamamagitan ng bahagyang mas mataas na buwis sa mga premium, luxury, at mga produktong may panganib sa kapaligiran,” paliwanag ng senadora.
“Umaasa rin kami na mahihikayat nito ang ating mga kababayan na gamitin nang mas maingat ang kanilang pinaghirapang kita.”
Samantala, sa ilalim ng Senate Bill No. 1857 o Murang Bilihin at Serbisyong Medikal Act, nais ni Legarda na tuluyang alisin ang VAT sa mga produkto at serbisyong may kaugnayan sa pang-araw-araw na pangangailangan at kalusugan ng publiko.
Kabilang dito ang mga staple food gaya ng de-latang isda, manok, baka, gatas, itlog, harina, bigas, mantika, instant noodles at suka; mga household essentials gaya ng sabon panlaba, toilet paper, sanitary napkins at diapers; mga pangunahing serbisyong medikal gaya ng check-up sa doktor, dentista at iba pang lisensyadong practitioner; over-the-counter na gamot para sa lagnat, ubo, trangkaso at pananakit ng katawan; at mahahalagang first-aid supplies tulad ng bandages, antiseptics kabilang ang isopropyl alcohol at iodine solutions, at thermometers.
Papalawakin din ng panukala ang VAT exemption sa basic household electricity hanggang sa itinakdang buwanang limitasyon habang mananatiling may buwis ang non-essential at industrial use.
Isasama rin ang basic internet access para sa personal, pang-edukasyon at mahalagang komunikasyon, ngunit hindi kabilang ang premium digital services.
Magtatakda rin ng makatwirang threshold sa konsumo ng kuryente at tubig na puwedeng maging VAT-exempt upang hikayatin ang responsableng paggamit sa mga tahanan habang nababawasan ang pressure sa energy at water systems.
“Sa ganitong paraan, mahihikayat din natin ang mga pamilya na magtipid sa kuryente at tubig upang makinabang sa exemption,” ani Legarda.
Binigyang-diin pa ng senadora na poprotektahan ng dalawang panukalang ito ang purchasing power ng mga low to middle-income earners habang napapanatili ang kita ng pamahalaan mula sa mga hindi pangunahing produkto at luxury goods.
“Magkasamang pinoprotektahan ng mga panukalang batas na ito ang kakayahang bumili ng mga low hanggang middle-income earners habang hindi nakokompromiso ang kita ng Estado mula sa mga hindi pangunahing produkto at luxury goods.”
