TSINA AT PINAS PATULOY ANG ALITAN SA PAG-ASA CAY-2
ni Alfredo Patriarca Jr
MANILA, Philippines – Dumaong ang mga opisyal ng China Coast Guard (CCG) sa Pag-asa Cay 2, na kilala sa tawag na Tiexian Jiao sa Tsina na bahagi ng West Philippine Sea nitong May. 3. Isinagawa nila ito upang magsagawa ng maritime law enforcement at teritoryal na hurisdiksyon, ayon sa pahayag ng CCG.
Ayon sa mga ulat mula sa panig ng Tsina, ang operasyon ay isinagawa matapos umanong illegal na tumuntong sa nasabing bahura ang limang tripulante ng Pilipinas sa parehong araw. Ang mga tripulante ay bahagi umano ng ikaapat na sibilyang misyon na “Atin Ito” na naghatid ng suplay sa Kalayaan, Palawan.
Sa kanilang paglapag, agad na nagtaas ang mga opisyal ng CCG ng Chinese national flag upang ipakita ang kanilang soberanya sa lugar. Sabay rin nilang kinuhanan ng video evidence ang mga umano’y illegal na aktibidad ng mga Pilipino, kasama na ang pinsala sa kapaligiran na diumano’y iniwan ng mga ito.
Iginiit ng CCG na nagdulot ng ecological damage ang mga Pilipinong kalahok sa misyon. Ayon sa kanila, naiwan sa bahura ang mga plastic bottles, foam boards, plastic bags, at iba pang basura na nagdudulot ng polusyon sa marine ecosystem ng West Philippine Sea.
Bilang tugon, naglinis umano ang mga tauhan ng CCG ng mga pollutant na ito. Gumamit din sila ng metal detector upang magsagawa ng full inspection ng buong bahura, umano’y naghahanap ng mga posibleng marker o iba pang bagay na maaaring ginamit ng mga Pilipino.
Sa panig ng Pilipinas, pinangunahan ni Dadah Kiram Ismula ng Akbayan ang pagtataas ng watawat ng Pilipinas sa Pag-asa Cay 2 bandang alas-5:40 ng umaga. Lulan sila ng rubber boat mula sa Pag-asa Island, at sinamahan ng ilang boluntaryo at mangingisda.
Nagsagawa rin sila ng simbolikong jet-ski flag ride, na ayon kay Ismula ay pagtupad sa isang campaign pledge ni dating Pangulong Rodrigo Duterte noong 2016 na sumakay ng jet-ski sa West Philippine Sea upang ipakita ang pagmamay-ari ng Pilipinas.
Matapos ang insidente, mariing itinanggi ng mga kalahok na may naiwan silang basura sa lugar. “Wala kaming iniwan kahit isang pirasong plastik. Ang paratang ng China ay walang katotohanan,” pahayag ng isa sa mga boluntaryo.

“Ang West Philippine Sea ay atin. Walang pananakot ang makakapagpabura ng katotohanang iyon,” giit ni Ismula.
Pinapurihan naman ni AFP spokesperson Rear Adm. Roy Vincent Trinidad ang “Atin Ito” mission. Aniya, ito ay isang “profound testament to the indomitable spirit of the Filipino people” na nagpapalakas sa boses ng mga mangingisda at residente ng Kalayaan.
Ang misyon, na tumakbo mula Abril 30 hanggang Mayo 5, ay naghatid ng suplay at tulong sa mga opisyal ng Kalayaan at sa mga mangingisda tulad ni Larry “King Fisher” Hugo. Layunin nitong tugunan ang pangangailangan ng komunidad sa gitna ng tumataas na presyo ng langis.
Sa kabila ng insidente, nananatiling tension hotspot ang Pag-asa Cay 2 dahil sa patuloy na presensya at patrol ng parehong panig. Ang lugar ay isa sa mga pinagtatalunang bahura sa West Philippine Sea, kung saan madalas nagkakasalpukan ang mga sibilyan at coast guard ng Pilipinas at Tsina.
Samantala, patuloy ang pagsubaybay ng gobyerno ng Pilipinas sa sitwasyon, habang inaasahan ang mas matibay na diplomatikong hakbang upang matiyak ang soberanya ng bansa sa West Philippine Sea.
