DOE, NGCP, ERC PINAGPAPALIWANAG ni Gatchalian sa brownout
HINIMOK ni Senador Win Gatchalian ang Department of Energy (DOE), National Grid Corporation of the Philippines (NGCP), at Energy Regulatory Commission (ERC) na agad ipaliwanag at tugunan ang mga umiiral na rotational brownout at pagkaantala sa suplay ng kuryente na nakaaapekto sa iba’t ibang komunidad sa buong bansa.
“Nagpapatupad na nga ng four-day work week ang maraming sangay ng gobyerno dahil sa tensyon sa Gitnang Silangan, pero nagba-brownout pa rin sa iba’t ibang panig ng bansa. Hindi ito katanggap-tanggap,” ani Gatchalian.
Kamakailan ay nagdeklara ang NGCP ng red alert at yellow alert sa mga grid ng Luzon at Visayas dahil sa sabay-sabay na forced outage ng ilang planta ng kuryente.

“Kung ang paulit-ulit na pagpalya ng mga planta ang sanhi ng problema, dapat managot ang mga generation company. Dapat tiyakin ng ERC ang mahigpit na pagpapatupad ng mga performance standard at papanagutin ang mga lumalabag,” diin ng senador.
“Bawat oras ng brownout ay nagdudulot ng pagkaantala sa operasyon ng mga negosyo, sa edukasyon ng ating mga kabataan, sa pang-araw-araw na gawain ng ating mga komunidad, lalo na sa kagamitang pang medikal na nangangailangan ng kuryente para magamot o maisalba ang buhay ng isang pasyente,” dagdag pa niya.
Paulit-ulit na rin umanong nananawagan ang senador sa NGCP na magpatupad ng mas maagap na grid management, kabilang ang pagtiyak ng sapat na ancillary services upang maiwasan ang mga power interruption lalo na sa tuwing mataas ang demand sa kuryente.
“Hindi pwedeng paulit-ulit na lang ang ganitong sitwasyon. Kailangan ng malinaw na paliwanag, agarang aksyon, at pananagutan mula sa mga awtoridad,” aniya.
