KAWALAN NG KOORDINASYON ng NBI, OSAA, ugat ng PUTUKAN sa Senado – Lacson

0

MAAARING naiwasan ang putukan sa loob ng Senado noong Mayo 13 kung nagkaroon ng maayos na komunikasyon at koordinasyon ang National Bureau of Investigation (NBI) at ang Office of the Sergeant-at-Arms (OSAA) ng Senado, ayon kay Sen. Panfilo “Ping” M. Lacson nitong Biyernes.

Ani Lacson, may mga naka-deploy na ahente ng NBI sa Government Service Insurance System (GSIS) compound kung saan matatagpuan ang Senado, pero ito ay sa kahilingan ni GSIS General Manager Jose “Wick” Veloso.

“Pwede nating i-confine muna as far as the operational aspect na nangyari Wednesday night sa dalawang ahensya. Kung nagkaroon ng isang malapit na coordination or communication sa dalawang panig, palagay ko naiwasan ang pagpapaputok ng baril,” aniya sa panayam sa True FM.

Batay sa kanyang pakikipag-usap kay NBI Director Melvin Matibag, sinabi ni Lacson na ang mga ahente ng NBI ay nasa GSIS side upang makatulong sa pag-iwas sa anumang hindi kanais-nais na insidente dahil sa mga demonstrasyon sa labas ng Senado.

Dagdag niya, wala umanong utos sa mga ahente na arestuhin si Sen. Ronald dela Rosa, na may arrest warrant mula sa International Criminal Court at nananatili sa Senado mula Mayo 11.

Sa halip, inatasan lamang silang i-monitor ito sakaling lumabas ng Senado.

“Ang instruction sa kanyang tauhan, sundan, i-monitor kung sakaling lalabas wag hulihin. Sundan lang at hingan ng guidance kung malayo sa Senate premises si Bato just in case aalis ng Senado,” ani Lacson.

Sa ngayon, sinabi ni Lacson na mahalagang makuha at masuri ang CCTV footage na magpapakita ng succession of events “from start to finish.”

Muli niyang iginiit na ang may kakayahan, oportunidad, at motibo ang posibleng nasa likod ng insidente. Ito ang dapat na gabay ng mga imbestigador, dagdag niya.



“More on the Senate incident last night: He who has the MEANS, OPPORTUNITY and MOTIVE is the most probable suspect,” ani Lacson, na beteranong imbestigador at naging hepe ng Philippine National Police mula 1999 hanggang 2001, sa isang post sa X noong Huwebes.

Bagama’t nagpapasalamat siya na walang nasawi o nasaktan, iginiit niya ang pangangailangang matukoy kung sino ang nagpaputok, kanino ito itinutok, at kung ano ang motibo.

“Chaos, guns fired inside the Senate building. Checked my staff, they’re all safe. Thank God no reports of casualties or injuries. Next thing to do is investigate to find out who fired his/their gun/s, at whom and most importantly, the motive,” aniya.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *