“FDNY MOVEMENT, TODO-SUPORTA KAY GIBO SA WPS ISSUE”
ni Alfredo Patriarca
MANILA — Buong suporta ang ipinahayag ng Filipinos Do Not Yield (FDNY) Movement kay Defense Secretary Gilberto “Gibo” Teodoro Jr. kaugnay ng kanyang matatag na paninindigan sa pagtatanggol sa soberanya ng Pilipinas sa West Philippine Sea.
Ayon sa grupo, hindi dapat sindakin o patahimikin ang sinumang opisyal ng gobyerno na naninindigan para sa pambansang interes at seguridad ng bansa.
Iginiit ng FDNY na ang pasasalamat sa tulong mula sa ibang bansa ay hindi nangangahulugan ng pagsuko ng karapatan, dignidad, at soberanya ng Pilipinas bilang isang malayang estado.
Binigyang-diin din nila na ang tunay na pagkakaibigan ng mga bansa ay nakabatay sa paggalang sa internasyonal na batas, kabilang ang United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS) at ang July 12, 2016 Arbitral Award.
Ayon pa sa grupo, hindi maituturing na tunay na kaibigan ang isang bansang gumagamit ng pananakot at pangha-harass laban sa mga Pilipinong mangingisda, sundalo, at tauhan ng Philippine Coast Guard sa loob ng karagatang sakop ng bansa.
Para sa FDNY Movement, ang West Philippine Sea ay usapin ng pambansang interes at hindi ng utang na loob. Dahil dito, nanawagan sila sa lahat ng Pilipino na magkaisa sa pagtatanggol sa soberanya at karapatan ng bansa.
“Ang West Philippine Sea ay atin. Ipagtanggol natin ito nang may tapang, dangal, at pagkakaisa,” ayon sa pahayag ng grupo.

