CHED MAG-IIMBESTIGA VS BCP, BATIKOS NG NETIZENS SINAGOT NG BESTLINK COLLEGE

Naglabas na ng opisyal na pahayag ang Bestlink College of the Philippines (BCP)  kaugnay sa inabot nilang mga batikos na naglabasan sa ibat-ibang social media platforms sa kanilang isinagawang out-of-town selebrasyon ng ika-23 taon anibersaryo ng pagkakatatag ng kanilang paaralan.

Ang opisyal na pahayag ng BCP ay pinamagatang ” OFFICIAL STATEMENT FROM BESTLINK COLLEGE OF THE PHILIPPINES RELATIVE TO THE 23RD FOUNDING ANNIVERSARY HELD ON 26 JANUARY 2025 AT PUNTA BELLE, HERMOSA, BATAAN.”

Nakapaloob sa kanilang pahayag na misinformation/disinformation ang mga naglabasan sa facebooks post at iba pang social media platforms na ibat-ibang komento sa kanilang isinagawang okasyon sa Bataan.

Kabilang sa mga pinutakte ng komento ay ang inilabas na statement ng Quezon City Government dahil sa idinulot na sobrang trapik sa mga lugar na ginawang pick-up point ng BCP para sa kanilang mga estudyante na nasa mahigit kumulang 30k mag-aaral.

Nagdulot ng matinding trapik sa may SM Fairview, SM Novaliches at BCP Campus pick-up point ng BCP students na sumama sa nasabing okasyon.

Kasama sa paalala ng QC Government sa nabanggit na paaralan na isaalang-alang ang kaligtsan ng mga estudyante.

Ang inilabas na statement ng QC Government ay pinutakte ng libu-libong komento mula sa netizens na kung saan naglabasan ang mga batikos laban sa BCP.

Naungkat din ang isyu ng pagkamatay ng 14 na mga estudyante sa aksidente ng Panda Coach bus na sinasakyan ng mga mag-aaral ng BCP sa kanilang fieldtrip sa Tanay, Rizal noong 2017.

 Sinabi pa ng BCP sa kanilang statement na ang naglabasan na mga post ay hindi totoo (‘not true, fabricated) at gawa-gawa lamang.

Habang isinasagawa ang okasyon sa isang resort sa Hermosa, Bataan ay maraming mga estudyante ang nagsumbong sa kani-kanilang mga magulang at nagpost sa kani-kanilang fb accounts ang kapabayaan ng BCP management sa mga estudyante.

Maraming umano sa mga estudyante ang hinimatay dahil sa pagod, init at gutom na wala man lamang nagaasikaso sa kanila mula sa BCP management. 

Ang mga post na ito ang dahilan kung kayat naglabas ng Show Cause Order (SCO) ang CHED para imbestigahan ang BCP.

Inanunsyo ni CHED Chairperson Popoy de Vera noong nakaraang Lunes, Enero 27 ang CDO laban sa BCP matapos na malaman nito na nag-viral sa social media ang isinagawang 23rd Founding Anniversary ng eskuwelahan.

Kasabay nito, ipinag-utos ni de Vera sa CHED director ng National Capital Region (NCR) Jimmy Catanes na imbestigahan ang mga post sa online na nag-aakusa sa kapabayaan ng BCP.

Sinabi pa ng hepe ng CHED na dapat bago magsagawa ng malakihang off campus activity ang BCP ay nagsumite ito ng mga kaukulang dokumento bilang requirements sa kanilang tanggapan.

Joselito Amoranto