BCP STUDENTS NAGRALI VS BESTLINK COLLEGE MANAGEMENT
Nagsagawa ng kilos protesta ang mga estudyante sa harapan ng Bestlink College of the Philippines (BCP) sa Quirino Highway Novaliches, Quezon City kahapon upang tutulan nila ang sapilitang pasamahin sila sa fieldtrips at tours na ipinatutupad ng eskuwelahan.
Ang protesta ay binubuo ng youth groups at mga estudyante na nananawagan sa pagbabago ng sistema ng BCP.
“Sa facebook page po kasi nila may nilalagay po sila dun na nakapost wala daw pong tuition fee, ang babayaran lang daw P4,975 lang po na miscellaneous fee pero once makapasok ka sa school na yan dito na po lalabas ang mandatory fee po,” ayon sa isang estudyante.
Maraming mga magulang din ang nagpahayag ng kanilang pagkadismaya sa ginagawang madalas, mahal at sapilitang fieldtrips ng Bestlink College.
Napag-alaman na hindi lang isang beses sa isang taon nagkakaroon ng fieldtrip ang BCP na mula 6k, 7k, 8k, 13k, at hanggang 30k pesos ang binabayaran ng bawat estudyante.
Sinabi naman ng isa pang estudyante imbes na magsaya sila sa foundation day na ginawa sa isang resort sa Hermonsa, Bataan noong nakaraang Linggo, Enero 26 ay puyat, pagod, at gutom na humantong sa pagkahimatay ang inabot ng kanilang kasamahang mga estudyante.
Anya, imbes na masaya sila ay kapabayaan ang naranasan nila mula sa pamunuan ng paaralan.
“Binayaran naman namin ‘yung foundation day na yun pero parang ‘di po makatao yung ginawa nila sa amin kasi kahit cottage po wala silang naibigay sa amin para po kaming mga basura dun na nakalapag lang po sa semento,” banggit pa ng isang estudyante.
Sinabi ng mga estudyante na sapiltang pinagbayad ang bawat estudyante ng P900 para makasama sa 23rd founding anniversary ng BCP na ginanap sa Punta Belle Resort, Hermosa, Bataan.
Matapos ang nasabing okasyon ay naging first come, first served basis ang ipinatupad ng mga guro ng BCP sa pagsakay sa mga bus na naging dahilan ng agawan ng pagsakay.
Makalipas ang isang araw ng okasyon ay naglabas ng opisyal na pahayag ang BCP na sinasabi nila na ang nagviral mga komento ng netizens laban sa kanila ay nagdulot ng misinformation/disimformation na pawang hindi totoo at pawang mga gawa-gawa lamang.
Nauna rito, bago paman umalis ang nasa 30k mga estudyante patungo sa Hermosa, Bataan ay nagdulot na ng matinding trapik sa mga lugar ng SM Fairview, SM Novaliches at BCP Campus pick-up point nito na naging dahilan kung kayat naglabas ng statement ang Quezon City Government.
Nakapaloob sa nasabing pahayag na dapat bago nagsagawa ng malakihang event ang BCP ay kailangan nitong ipaalam sa lokal na pamahalaan ng Lungsod Quezon para sa kapakanan ng mga estudyante at mamamayan ng siyudad na naapektuhan ng matinding trapik na idinulot nila.
Dahil na rin sa mga batikos na naglabasan laban sa BCP 23rd Founding Anniversary Celebration ay naglabas ng Show Cause Order (SCO) para mag-imbestiga at matukoy ang naging kapabayaan ng eskuwelahan.
Bukod dito, magsasagawa na rin ng imbestigasyon ang Quezon City Council sa pangunguna ni QC Vice Gian Sotto kaugnay sa reklamo ng mga estudyante laban sa BCP.
Nakarating na rin sa Mababang Kapulungan ng Kongreso ang reklamo ng mga estudyante laban sa Bestlink College of the Philippines na posibleng magsagawa rin sila ng sarili nilang imbestigasyon sa pangyayari.
(Joselito Amoranto)