LRTA NAMAHAGI NG SAYA AT REGALO SA MGA PASAHERO NGAYONG ARAW NG MGA PUSO
ANTIPOLO CITY | Matamis na ngiti ang isinukli ng bawat pasaherong tumanggap ng surpresang regalo mula sa pamunuan ng LRTA Line 2 sa Antipolo Station kaninang umaga, ngayong araw ng mga puso.
Tumanggap ng rosas, toothbrush, alcohol, at iba pa, ang mga pasahero ng LRT-2 sa Antipolo Station, bilang pakulo ng LRT-2 sa pagdaraos ng araw ng mga puso kaninang umaga.
Bukod sa mga regalo may paroleta din ang PCSO, at pumailanlang din ang mga love songs mula sa live na pagtugtog sa piano.
Hindi rin pinalagpas ng mga pasahero, magkasintahan man o magbabarkada, ang pagpapakuha ng picture sa photo booth na nasa station.
Ayon kay Hernando Cabrera, LRTA Line 2 Administrator, nais lamang nilang maghatid ng kasiyahan sa kanilang mga pasahero sa pamamagitan ng surpresang handog at gawing espesyal ang paglalakbay ng mga ito ngayong araw ng mga puso.
Hindi naman nabigo ang pamunuan ng LRTA at batid sa mga pasahero na tumatak sa kanila ang pakulong ito ng LRT-2. Hindi lang mga magkasintahan kundi pati narin ang mga magbabarkada, magulang at single ang natuwa at nagiwan ng matamis na ngiti habang inaabot ang mga regalo.
Isinagawa rin ang ganitong pakulo sa Cubao Station ng LRTA Line 2.
Giselle Kaye Guiritan para sa RoadNews

Photo Courtesy to LRTA