5th QCIBC ‘Building Tomorrow Together’

“BUILDING TOMORROW TOGETHER”, ‘yan ang tema ng 5th Quezon City International Business Conference (QCIBC) na bubuksan sa darating na Biyernes, ika-28 ng Pebrero 2025.

Handa na rin daw ang Philippine Chamber of Commerce Industry – Quezon City (PCCI-QC) na siyang magsisilbing host ng naturang komperensya, bunsod  sa pakikipagtulungan sa Quezon City government na gaganapin sa QC M.I.C.E Center, Quezon City Hall.

Sa isinagawang news forum, Pebrero 24, ipinahayag nina PCCI-QC President Emeritus Sarah Deloraya-Mateo at PCCI-QC Chairman Emeritus Dr. Carl Balita ang mga dapat abangan sa nasabing international conference, na ang pangunahing tatalakayin  ang hinggil  sa ‘Future of Business’. Ibinida rin nila ang mga imbitadong international resource persons na eksperto sa mga usapin ng innovation, future-proof business, sustainable development, at digitalization.

Inaasahang dadalo sa nasabing pagtitipon  ang nasa 500 mga negosyante, may-ari ng kumpanya, at kinatawan mula sa pamahalaan, para magbahagi ng kaalaman at magkaroon ng ugnayan para sa posibleng kolaborasyon.

Ayon sa PCCI-QC, layon ng QCIBC na bigyan ng sapat na kaalaman at kasangkapan ang mga negosyo sa lungsod para mas lumago at maging mas matatag ang  kanilang empresa. Sa tulong din ng conference na ito ay mas magiging innovative at competitive pa ang mga negosyante sa kanilang haharaping mga hamon.

Alfredo Patriarca para sa RoadNews