MURANG NFA RICE NAPAPANAHON NGA BA?

ANG pagbebenta ng murang NFA rice ngayon ang ating pag-usapang isyu. Tanong ng mga nakakahalubilo, nakaka-ututang dila ng KSPHO, NAAPAPANAHON NGA BA?
Batid natin na tayo ngayon ay nasa gitna ng krisis sa bigas kaya sobrang taas ng presyo ng bigas sa mekado. Sa kabila ng desisyon ni PBBM na bawasan ang mga taripa ng bigas at pagbaba rin ng pandaigdigang presyo ng bigas, matapos alisin ng India ang export ban nito noong Setyembre, ay hindi pa rin bumabalik ang presyo ng imported na bigas sa level ng presyo noong 2023.
Bakit daw kasi itinigil ng NFA ang pagbebenta ng NFA rice noong papataas ang presyo ng bigas? Dahil ba sa kakulangan sa buffer stock? Hindi sapat na suporta mula sa mga lokal na magsasaka? Sinisi pati ang importasyon at kakulangan sa infrastracture? Eh bakit ngayon tone-tonelada ang kanilang inirelease, at take note padadaanin pa sa mga LGU’s.
Usisahin natin ang sinasabi ng mga taga-Gobyerno tungkol dito. Ayon kay Senadora Imee, hindi na nagagampanan ng National Food Authority (NFA) ang tungkulin nito sa harap ng pagkabawas ng pandaigdigang suplay ng bigas. Kung tutuusin, ang pagbebenta ng murang NFA rice ay isang paraan upang matulungan ang mga mamimili, lalo na ang mga maralitang tagalunsod, na makakuha ng abot-kayang bigas. Kaalinsunod nito, nagdeklara ang Department of Agriculture ng “Food Security Emergency on Rice” noong ika-3 ng Pebrero. At nitong nakaraang lingo, binuksan ni Sec Tiu Laurel ang padlock ng NFA warehouse at ibubuhos na ang tone-toneladang stocks sa mga LGU’s, .
Mainam at makakatikim uli ang mga maralitang mamamayan ng 33 hanggang 35 piso kada kilo na bigas. Gayunpaman, dapat din nating tingnan ang mga suliranin sa likod ng pagbebenta ng murang NFA rice, tulad ng kakulangan sa buffer stock at ang hindi sapat na suporta sa mga lokal na magsasaka, kakulangan sa imprastraktura at iba pa. Dapat permanenteng solusyon hindi ang band-aid solution ika nga, ng aking master.
Sa aking opinyon, ang pagbebenta ng murang NFA rice ay tunay ngang napapanahon, ngunit dapat din nating isipin ang mga solusyon sa mga suliranin sa likod nito. Dapat ay magkaroon ng malalimang pagsusuri sa mandato ng NFA upang harapin ang pandaigdigang kakulangan ng bigas. Hindi lamang NFA, kundi lahat ng ahensya ng Gobyerno ay magtulungan para masolusyunan ang usaping ito.
Isa pa sa gumugulo sa isipan ko, ay kung bakit sa mga LGUs ipinamahala ang distribution o pagbebenta ng murang NFA rice? Hindi ba kaya mababahiran ito ng pulitika? Lalo na’t alam nating campaign period na. Maaaring gamitin ito bilang isang paraan upang manalo si honorable incumbent sa halalan at mapanatili ang kanyang kapangyarihan. Ipagsisigawan na naman nila “dahil sa ating inisyatibo, mayroon tayong murang NFA rice bilang pagmamahal ko sa inyo!”
Sa mga balita sa radio at TV maging sa social media, mariin namang itinatanggi ito ng mga nasa Gobyerno, makikipag ugnayan daw umano sila sa Comelec upang gumawa ng mga hakbang para sa patas at transparent daw na pagbebenta ng NFA rice ng mga taga-LGUs.
Harinawa maging transparent at patas sila at unahin ang kapakanan ng mga mamimili at ng bansa, hindi ang kanilang mga personal na agenda.
Ang inyong mga suhestyon ay maari nyong ipagbigay alam sa tanggapan ng KSPHO.