PCSO MAY KINIKILINGAN!?

PANAHON pa ni dating Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) President Col. Nereo Andolong, tatay ni Sandy Andolong, asawa ni Boyet de Leon, kinikilala na ang tanggapang ito ng gobyerno bilang pangunahing tumutulong sa mga nangangailangan, particular ‘yung mga nasa laylayan sa lipunan, o yung mga hikahos sa buhay. Ito’y bago pa ipataw ni Marcos Sr. ang Batas Militar.
Noong panahong iyon, sa pamamagitan ng pagtaya sa ticket ng Sweepstakes, na inilalako sa kalsada o sa mga patio ng simbahan o nasa puwesto, ang pagkakaroon ng tsansa ng tao na manalo ng unang premyo, ikalawang premyo at iba pang mga premyo na nakalaan sa bawat numerong lalabas sa gagawing bola.
Sa kasaysayan, dito nauso ang sugal na jueteng, na naging popular sa mga laylayan ng ating lipunan. Dahil sa halagang P5.00 ay makakataya ka na. At hanggang ngayon, masigla pa rin ang sugal na jueteng sa iba’t ibang bahagi ng bansa.
Balik tayo sa PCSO na iba na ang katayuan at malaki na ang ipinagbago sa operasyon nito.
Iba na ngayon ang sistema sa pagtaya. Tinawag na itong LOTTO kaya sumulpot ang Small Town Lottery na ginawa para sugpuin daw ang jueteng.
Pipili ka lang ng anim na numero sa mga naka-print na card at ipapasok sa digital machine, presto may ticket ka nang posibleng manalo ng jackpot prize na umaabot sa daang-milyon.
At dahil sa paglago ng populasyon ng Pilipinas, kasabay ring dumami ang maralita na mga kababayan at dumami rin ang mga nagbabaka-sakaling tumama sa Lotto at makikita mong laging mahaba ang pila ng mga mananaya sa mga outlet nito.
Ma-imagine niyo kung gaano kalaking pera ang ini-aambag ng mga mamamayan sa pondo ng PCSO sa araw-araw na merong bola ng Lotto. Ibig sabihin lang, ang nagsasampa ng pera sa kaban ng PCSO ay galing din mismo sa mga mahihirap na walang-sawang bumibili ng ticket at baka-sakaling sila naman ang suwertehin.
Kaya nga, maraming nainggit noon at nagtaka, nu’ng tumama ng jackpot prize sina dating NBI director Gen. Reynaldo G. Wycoco at Gen. Alfredo Lim noong kanilang kapanahunan.
Kaya’t ang PCSO ang laging unang nilalapitan ng mga nagigipit, lalo’t kung naka-confine ang kanilang pasyente sa isang pribadong pagamutan. Isang kakilala, ang nagkwento ng kanyang karanasan, nang siya’y humingi ng tulong sa nasabing institusyon sa pamamagitan ng isang Guaranteed Letter (GL), na karaniwang ipinagkakaloob ng mga politiko (kongresman at mga senador).
Ayon pa sa kanyang salaysay, halos tatlong linggo nilang hinintay ang pagre-release ng halagang P50,000.00, para pandagdag sa kanilang hospital bill na umaabot sa halos P300,000.00.
Pero laking dismaya ng pamilya, na umabot na ng limang buwan ay hindi pa rin dumarating yung pinangakong GL galing sa PCSO, sa pamamagitan ng tanggapan ni Direktor Imelda A. Papin.
Ang siste, isang buwan lang ang bisa ng isang GL. Kaya sa loob ng isang buwan nang ito’y ma-release, kailangan ito maipadala sa hospital kung saan naka-confine ang pasyenteng pinagkalooban nito.
Sa kaso ng nag-kwento ng kanyang karanasan, kanino kaya ang pagkukulang?
Isa pang tanong? Meron bang kinikilingan ang PCSO?
Pakisagot naman po, Hon. Director Imelda A. Papin!