“TARA” SA CUSTOMS ‘DI MAWALA-WALA

big j

HANGGAT ‘di nawawala ang “tara system” o lagayan sa Bureau of Customs (BOC) ay hindi rin mawawala sa isipan ng mga Pilipino na isa sa pinaka-corrupt na opisina ng gobyerno ay ang Customs.

       Kahit ano pang kumpiska dito, kumpiska dun ng mga sasakyan ng mga taga-BOC, hangga’t may bahid ng lagayan riyan sa inyong opisina ay balewala lahat ‘yan.

       Sa inamin nina dating Customs Commissioners Isidro Lapeña at Comm. Nicanor Faeldon, na 27 bilyong piso ang nawawala sa gobyerno dahil sa “tara”  at hindi biro ang halagang ito.

       Nu’ng isang araw, ipinagmalaki ng BOC, ang nakumpiska ng mga tauhan ng Customs Intelligece and Investigation Service at Manila International Container Port (CIIS-MICP) ng Bureau of Customs (BOC) na mga luxury vehicles sa isang warehouse sa Makati City kamakailan.

       Kasama sa mga ito ay ang Ferrari, Porsche at Mclaren na may halagang 366 milyong piso.

       Nitong nakaraang Pebrero 13, 2025 naman, nakasabat din ang BOC ng luxury vehicles na aabot ng 1.4 bilyong piso sa Pasay City at Parañaque City.

       Ayon sa Customs, ang kumpanyang ACH High-End Motor Service Center na nasa J. P. Rizal St., Makati City ang seller ng nasabing mga mamahaling sasakyan.

       Sinabi ni CIIS Director Verne Enciso na sinalakay ng CIIS-MICP team, kasama ang Task Force Aduana ng Philippine Coast Guard (PCG) ang kumpanya para isilbi ang Letter of Authority (LOA) sa may-ari ng kumpanya para malaman kung mayroong kaukulang mga dokumento ang pag-angkat ng nabanggit na mga sasakyan.

     Kabilang sa mga sasakyang ito ay ang Ferrari 488 Spider, Ferrari 812 Superfast, Porsche Targa, Mercedes-Benz G63 AMG, BMW M4, Lexus LC500, Porsche Cayenne, Bentley, Bentayga, Land Rover Defender, Audi RS Q8, McLaren 72OS, Ford Explorer, Li Xiang L7 SUV, Abarth 595 Competizione, MV Agusta Brutale 1000RR motorcycle at dalawang vans na Toyota Alphard.

     Sinabi naman ni Deputy Commissioner for the Intelligence Group Juvymax Uy na kailangan ang mas maigting na hakbang laban sa mga smugglers.

     Kahit ano pang gamitin nyong terminology sa ginawa nyong operasyon laban sa mga sasakyan na yan, ay hindi mapagtatakpan niyan ang “tara” sa inyong tanggapan na umaabot ng P10k kada container o lata sa bakuran ng Aduana.

     Wala rin naman pakinabang ang gobyerno riyan sa nakumpiska nyong mga sasakyan dahil sa susunod na mga araw ay ipangangalandakan nyo rin yan na inyong sisirain ang mga iyan. Totoo nga bang nasisira lahat yan?

     Bakit nga ba nakalulusot yan sa BOC? Hindi naman kasingliit ng karayom ang mga ‘yan para p’wedeng itago lang sa bulsa ng pantalon, di ba?

     Laking pasalamat siguro ng mga opisyal ng Customs na nawala ang Economic Intelligence and Investigation Bureau (EIIB) dahil nagagawa na nila lahat ang kanilang gusto.

     Dahil kasi pag nakalusot/pinalusot ang kontrabando sa bakuran ng Customs  na hinuhuli ng EIIB,  at  kapag nakalusot, tulayan nang naglalaho ang mga kargamento, ‘tabo’ na ang tiwaling mga tao riyan sa Aduana.

    Kaya ngayon, palakpak tenga ang mga taga-Customs dahil nawala ang kanilang tinik sa lalamunan na EIIB.

    Natatandaan natin,  nawala ang EIIB sa ilalim ng administrasyon ni Pangulong Erap, inisyu sa opisinang ito na “dublication” daw ang trabaho nito sa Customs.

    Kaya simula nang mawala ito, hindi lang mga ordinaryong kargamento ang nakalulusot sa Customs pati na rin ang tone-toneladang shabu.

    Tapos ngayon, may gana pa kayo na ipagmalaki ang pagkakasabat n’yo sa mga mamamahaling sasakyan na ‘yan!?

     Makakain ba ng mga ordinaryong Pinoy ‘yang mga sasakyan na yan? Wala rin naman makukuhang pera ang gobyerno riyan dahil winawasak nyo naman yan, di ba?  Kaya ‘di dapat ipagmalaki ‘yan ni Comm. Bienvenido Rubio.      Gawin mo Commssioner Rubio, alisin mo yang “tara” sa BOC, kundi mo kaya ikaw na lang umalis sa iyong puwesto.