MAGANDA NGA MARUPOK NAMAN!

0
kspho

MAIHAHAMBING natin ang tinaguriang iconic bridge ng Isabela sa isang magandang dilag pero mabilis bumigay.

Maganda, pang world class ang disenyo, mahal ang pagkakagawa, high maintenance at matagal na binuo ngunit mabilis namang gumuho. 

Headline sa mga pahayagan at balitang pantelebisyon, at usap-usapan ang tulay na nagdurogtong sa bayan ng Cabagan at Sta. Maria, sa lalawigan ng Isabela. Dahil bukod sa tagal nitong nagawa at bilyong piso rin ang naubos, wala pang isang buwan gumuho na.

Ayon sa mga eksperto ng DPWH, overloading daw ang dahilan kung bakit ito bumagsak, dahil sa 102 toneladang truck daw na nagpumilit bumagtas sa tulay. Ang tanong natin, tunay nga bang 102 tons ang nasabing truck?

Sa pagsasaliksik nag KSPHO ang bigat ng 12-wheeler na dump truck ay 40T pinaka mabigat na wala pang laman, at designed yan magdala ng maximum load na 30T, kabuuang 70 tonelada lang. Saan galing yung 102 tons? Kakayanin ba ng 12- wheeler ang kumarga ng 62T na boulders?

Isinisi rin ng ilan sa umano’y kawalang pagpapahalaga ng bantay, dahilan upang makalusot ang truck na may lulang boulders. Bawal daw kasi roon dumaan ang truck, pang light vehicles lang daw nasabing tulay.

Kailangan ba talaga ng bantay? Eh, kung totoong pang light vehicles ‘yang tulay, dapat sa entrada palang may mga signage na abiso o paalala. ‘Yung iba nga nilalagyan pa nila ng harang na bakal para sa height limit, minsan ginagawa pang one way para ma-control ang bigat ng dumadaang sasakyan. Bakit walang mga ganitong babala? At kung meron man, bakit nakalusot parin ang driver ng truck?

Ang iba ay sinisisi ang design ng nasabing tulay. Meron nagpapahayag ng opinyon  ng matatalinong utak patungkol sa strength of materials at bridge stability construction.

Sa pahayag ni PBBM noong bisitahin nya ang nasirang tulay, sinabi niyang: “Design is really weak, this supposed to be suspension bridge, nakasabit,” aniya. “Pero ito lang ang suspension bridge na nakita ko sa buong mundo na hindi kable at iyan na mismo ng bumigay. Bumigay ‘yung bakal,” dagdag pa ni PBBM.

 Ang tanong natin, alam na pala n’ya bakit pa niya pinahintulutang magbukas ito? Sabagay wala pa pala itong pormal na inauguration date, ibig sabihin hindi pa ito fully turn-over.

Karamihan, isinisisi ang pagbagsak ng tulay sa DPWH at sa contructor nito na kesyo, sub-standard daw ang mga ginamit na materials at tinipid daw ang pondo. Ang tanong ulit natin, bakit hindi agad nasilip ng DPWH ang nabanggit na mga kahinaan ng tulay?

Tuloy, hindi maalis sa isipan natin ang nagsusumigaw na katotohanan na umiiral ang matinding korapsyon sa loob ng kagawaran. Dagdag na tanong natin, sinu-sino ang mga nakinabang? Magkano kaya ang kay Eddie at kay Pathy?

Sa pagsasaliksik ng KSPHO, ang Cabagan-Sta. Maria Bridge ay nai-propose noong Nobyembre 2014, termino ni Pangulong Noynoy, bilang kapalit ng overflow bridge na karaniwang hindi madaanan kapag bumabaha at ang proposed budget nito ay P639.6 milyon.  Taong 2018, nagkaroon ng revised cost estimate ang DPWH na nagkakahalaga ng P1.64 Bilyon. Pero sa pahayag ni PBBM, “Ang ending nito, ang puno’t dulo nito design flaw. It is a design flaw, mali ‘yung design. Ang history kasi nito dapat ang funding nito was supposed to be P1.8 billion. Binawasan to under P1 billion para makamura,” saan nya kaya kinuha ang mga figures na ito?

Assuming tama nga siya? Kung talaga ngang tinipid ang pondo, may tama talaga sya. Lalabas na walang kwenta ang tinaguriang iconic bridge considering ang cost ng material at labor sa halos isang kilometrong tulay, pang-besikleta nga lang talaga ito.

Taong 2019, dapat tapos na ang tulay pero hindi natapos dahil sa irregular funding kaya 2021, natapos ito ng unang contractor. Ngunit hindi pinasinayaan dahil sa may nasilip na mahinang bahagi at kailangan ng retrofitting.

May 2023, nanalo sa beeding ng DPWH itong RD Interior Jr. Construction para sa retrofitting sa halagang P274 milyon para tapusin sa loob ng 330 days.

            Suegway tayo kay RD Interior Jr. Construction, hindi ba ito rin ‘yung contructor ng National Irrigation Administration (NIA) sa bilyong pisong irrigation projects? Kung oo, malaking kumpanya pala talaga ito. Kumusta na po ‘yung mga irrigation projects natin?   

Balik tayo sa history in the making ng tulay. May 2024, nagpadagdag na naman itong RD Interior ng 115M at extension na 180 araw.

February 1, 2025, binuksan na sa wakas ang tulay, may pailaw pa at tunay ngang nagniningning ito tuwing gabi pang instagramable ba, at kung susumahin ang kabuuang nagastos ay P1.225 Bilyon, kasama na ang kapirasong daan patungo sa tulay kung tawagin nila ay approaches.

February 27, 2025, gumuho ang isang bahagi ng tulay nang dumaan ang isang dump truck na puno ng boulders! Kawawang mamamayan balik sa mas reliable at mas matibay na overflow bridge pero hindi madaanan tuwing mataas ang tubig ng Cagayan river. 

Sa pangyayaring ito, hugas-kamay ang mga opisyal na nagkamantika ang nguso, dahil sa nasabing bilyong halaga ng kontrata sa pagtatayo ng nasabing tulay. Sa kabila ng mga pangyayari, ang alam natin may bilyong pisong halaga ang nasayang at tiyak na magdaragdag pa ulit ng malaking halaga para sa panibagong tulay at ang isang dekadang paga-antay ay mas tatagal pa.

Ang mga mamamayan ng Cabagan at Sta Maria at ng mga karatig-bayan sa lalawigan ng Isabela, ay mamamag-asang matatamasa na nila ang maalwan at mabilis na transportasyon oras na matapos ang panibagong tulay.

Ang isinulat nating ito ay opinyon lamang base sa aking mga nakita, napanood at nabasang balita, at sa mga nakakwentuhan natin. Ang inyong mga suhestiyon o saloobin ay maaari n’yong iparating sa amin.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *