Murang NFA rice sa merkado…
WINALIS NG RICE TARIFF LAW NI VILLAR
LUMABAS sa isinagawang annual national meeting ng National Convention and Policy Board (NPB ng Federation of the Free Farmers (FFF) at ang General Assembly and National Board of Directors ng Federation of Free Farmers Cooperative (FFFC) na huwag suportahan ang re-election bid sa pagka-Senador ni Cynthia Villar ilang taon na ang nakalilipas.
Pangunahing dahilan ng grupo, na si Villar ang principal author at nagpanukala ng Rice Tariffication Bill na kalaunan ay naging Rice Tariffication Law o ang Republic Act No.11203 sa panahon ni dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte.
Sa ilalim ng batas na ito (RA No. 11203), ang Pilipinas ay obligadong tumalima sa ilalim ng ating pangako sa World Trade Organization (WTO) na tanggalin lamang ang Quantitative Restrictions (QRs) sa pag-import ng bigas at palitan ang mga ito ng mga taripa.
Gayunpaman, isinulong ang isang batas na nagde-deregulate at nagpa-liberal din sa industriya ng bigas at nag-alis sa kapangyarihan ng National Food Authority (NFA), na tutukan at i-regulate ang industriya, kaya ginagawang mas madali para sa mga smuggler at walang prinsipyong mga negosyante ng bigas na maniobrahin ang mga mamimili at magsasaka para sa interes ng mga importer.
Tinanggal din ng Rice Tariffication Law ang mga tungkulin ng NFA katulad sa pagbibigay ng murang presyo ng bigas para sa mga mahihirap na mamimili at paglalaan sa mga magsasaka ng suportang subsidyo kung sakaling bumaba nang husto ang farmgate prices.
Higit pang inalis ng batas ang opsyon ng gobyerno sa ilalim ng mga panuntunan ng WTO na muling magpataw ng quantitative restrictions sa mga pag-import kung kinakailangan, hindi lamang para sa bigas kundi para sa lahat ng iba pang produktong pananim.
Bago pa man magkabisa ang batas, ang presyo ng palay ay bumaba na hanggang P14 kada kilo, o P6 kada kilo na mas mababa kaysa sa kanilang mga presyo noong nakaraang mga taon.
Dahil sa pagpapatuloy ng ganitong kalakaran, nawalan ng P75 bilyon ang mga magsasaka noong taong 2019 para sa ibinebenta nilang palay sa lokal na pamilihan.
Dahil sa nasabing batas sa taripa sa bigas ni Villar, dumagsa ang maraming imported na bigas na lalong nagpababa sa presyo ng palay, na magreresulta sa mas maraming pagkalugi sa parte ng mga magsasaka na naliligalig na rin sa epekto ng El Niño na panahon ng tagtuyot.
Inaasahan ding magdurusa ang mahihirap na mamimili dahil sa probisyon ng batas sa taripa na ang buffer stocks ng NFA ay maaari lamang ilabas sa panahon ng kalamidad at emergencies.
Bukod pa rito, kakailanganin na ngayon ng NFA na magbenta ng hindi bababa sa break-even na mga presyo, at malamang na isusubasta ang mga stock nito sa mga highest bidder.
Nangangahulugan lamang na ang P27 kada kilo (noong wala pa ang batas sa taripa) na bigas ay mawawala sa merkado at ang mga mahihirap na mamimili ay kailangang gumastos ng higit pa upang makabili ng bigas sa mga pamilihan.
Lumalabas na direktang pananagutan ni Senador Cynthia Villar ang pinsalang tiyak na idudulot ng Rice Tariffication Law sa mga mamimili at magsasaka.
Sa nasabing pagbubunyag ng Federation of Free Farmers, ito ay ilan lamang sa nilalaman ng Rice Tariffication Law na lalong magpapahirap sa mamamayang Pilipino na umaasa ng murang presyo ng bigas mula sa NFA.
Ang Senate Bill No. 1998 ay nakapasa sa ‘third and final reading’ ng Senado at sinertipikahan bilang “urgent” ni dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte na tuluyang naging batas noong Hunyo 30, 2017 bilang Rice Tariffication Law o R.A. No. 11203.
Inaasahan na ang batas na ito ang magpapababa ng presyo ng bigas sa merkado, subalit hindi natupad dahil sa lalo pang tumaas ang presyo nito mula noong magkabisa ang R.A.No. 11203, at hanggang ngayon ay wala nang mabiling murang bigas ng NFA.
Dahil dito, noong Pebrero 3, 2025, nagdeklara ang Department of Agriculture (DA) sa pangunguna ni Sec. Francisco Tiu Laurel, Jr., ng isang “Food Security Emergency” dahil sa mataas na presyo ng bigas.
Kasunod nito, ang pahayag na ibebenta nila ang buffer stocks na NFA rice sa mga local goverment unit (LGUs) na agad naman tumugon ang San Juan at Valenzuela City.
(Roadnews Investigative Team)
