Ang pagdagsa ng tao sa lansangan, Isang Panawagan O Isang Hamon?

K.S.P.H.O. (1)

ISANG nakaaantig na tanawin ang masaksihan ang libu-libong tao na nagsasama-sama, hindi dahil sa bayad o sapilitan, kundi dahil sa paninindigan.

         Nitong mga nagdaang linggo, bumaha sa social media ang mga larawan at bidyo ng mga mamamayang kusang-loob na dumadalo sa mga rally na nananawagan sa pagbabalik sa bansa ng dating Pangulong Rodrigo Duterte—ito ang naging dahilan upang aking personal na sadyain ang Mendiola nitong Mach 28 upang makita ng personal ang nagpupuyos na damdamin ng ating mga kababayan.

Ano nga ba ang nagtutulak sa kanila? Pagmamalasakit ba sa bansa o pangungulila sa pamumuno ni Duterte?

Maraming nagsasabi na simula nang bumaba si Duterte sa pwesto, tila nagbago ang ihip ng hangin sa gobyerno. Ayon sa ilang tagasuporta, ramdam nila ang kakulangan sa determinasyon ng kasalukuyang administrasyon sa pagsugpo sa krimen at droga—mga isyung naging tatak ng liderato ni Duterte.

“Hinahanap namin ‘yung kamay na matigas pero patas,” ani Aling Nora, isang 54-anyos na tindera na nagpunta sa rally. Aniya, noong panahon ni Duterte, kahit may takot sa batas, mas panatag at tahimik daw ang kanilang pamumuhay.

Ngunit hindi lahat ay sumasang-ayon sa ganitong pananaw. Para sa mga kritiko, hindi dapat kalimutan ang mga kontrobersiyang bumalot sa kanyang termino—ang madugong giyera kontra droga at isyu sa karapatang pantao.

Sa kabila ng lahat, hindi maitatanggi ang kanyang impluwensya. Sa bawat rally, makikita ang mga mukha ng ordinaryong mamamayan—mga tricycle driver, guro, estudyante, at OFWs—na nagtataas ng plakard na nagsasabing, “Ibalik sa Bansa si Duterte!”

Ngunit isa sa pinakamalaking tanong: may tsansa bang makabalik si Duterte sa bansa? Sa ngayon, wala pang linaw ang kahihinatnan ng kanyang kinakaharap na kaso sa ICC. Ngunit sa bawat pagtitipon, mas lalong nagiging matingkad ang mensahe ng kanyang mga taga-suporta: Handa silang lumaban para sa lideratong kanilang pinaniniwalaan.

Sa huli, ang ganitong mga rally ay hindi lang pagpapakita ng suporta sa isang tao kundi isang pagsasalamin ng mas malalim na damdamin—ang hangaring marinig at mapansin sa gitna ng nagbabagong pulitika sa bansa.

Sa ilalim ng tirik na araw o malamig na ulan, patuloy ang libu-libong Pilipino na kusang lumalabas sa lansangan—bitbit ang mga plakard, sumisigaw ng iisang mensahe. Hindi ito isang ordinaryong pagtitipon, sa bawat mukha ay makikita ang pag-asa, pangungulila, at matinding paninindigan.

Sa gitna ng ingay ng pulitika, nananatiling malakas ang boses ng mga tagasuporta ng dating Pangulong Rodrigo Duterte. Hindi sila napipilitan. Hindi sila binabayaran. Kusang-loob silang nagtitipon, dala ang paniniwalang kailangang muling maramdaman ng bansa ang matapang at matatag na pamumuno.

Sa kabila ng pag-ikot ng panahon, hindi humuhupa ang impluwensya ni Duterte. Tila nananatiling buhay ang kanyang pamana sa puso ng kanyang mga tagasuporta.

Higit sa isang pangalan, ang tanong ay ito: Ano ba talaga ang hinahanap ng bayan?

Habang patuloy na bumubulwak ang damdamin ng masa, isang bagay ang tiyak—hindi pa tapos ang kwento ni Duterte sa kasaysayan ng Pilipinas.

Ikaw, sasama ka ba sa sigaw ng bayan?