SA BANGAYANG PBBM VS FPRRD! Sino ang panalo?!

mrr

PATULOY ang salimbayan ng mga magkakasalungat na opinyon o pagbabatuhan ng mga direktang pag-atakeng politikal sa simula na nagiging personal kalaunan na naka-sentro sa dalawang personalidad, kina Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos, Jr., at dating-Pangulo Rodrigo Roa Duterte.

            Ang batuhan ng mga patutsada ay nagsimula nu’ng maglabas ng Impeachment  laban kay VP Sara Duterte ang Mababang Kapulungan ng Kongreso matapos ang isinagawang  inquiry ng QuadCom sa OVP budget, na nasa ilalim ng liderato ni Speaker Martin Romualdez, pinsan ni PBBM.

Nagresulta ito ng malaking gawak sa Unity Team (Marcos-Duterte) na umusbong bago at matapos ang  2022 national elections, na naging malala nang sampahan ng patung-patong na reklamo si VP Sara sa pangunguna ng National Bureau of Investigation (NBI) na nag-ugat sa bantang asasinasyon kay PBBM, FL Liza at Speaker Romualdez bunsod ng isinagawang online presscon habang naka-hospital arrest sa Veterans Medical Center ang chief-of-staff ni VP Sara.

Fast forward tayo: Pagbalik ni FPRRD galing sa Hong Kong, siya’y sinalubong ng arrest warrant, bitbit ni PMGen. Nicolas Torre,  na umano’y inilabas ng International Criminal Court (ICC), at noong araw ding ‘yun, Marso 11, 2025,  siya’y dinala sa The Hague, the Netherlands, sakay sa isang private jet, para roon litisin sa salang crime against humanity.

Ito ang naging hudyat para sumiklab ang kinimkim na damdamin ng mga Pinoy hindi lamang sa  buong bansa at maging sa iba’t ibang lugar sa buong mundo, na yumanig sa estado nang humugos ang libu-libong Pilipino sa harap ng detention facility sa The Hague noong ika-80th birthday ni FPRRD, Marso 28, 2025.

Ang resulta? Lumutang ang senaryong nagkakaroon ng pagkakahati ang sambayanang Pinoy na pro-PBBM at pro-FPRRD at matamang nagmamasid naman ang iba pang paksyon ng politikang lokal at ang mga umaastang super-power na naka-umang kung kailan sila papasok sa lumalalang bangayan.

Pero, nagparamdam na ng kanilang panig ang imperyalistang  Amerika nang ipadala ni US President Donald Trump ang kanyang US Defense Chief Pete Hefseth na  nakipagpulong kay PBBM sa Palasyo ng Malakanyang, kamakailan.

At umeksena rin ang bansang Hapon kasama ang US nang sumabak sa isinagawang joint military exercises sa West Philippine Sea katuwang ang Sandatahang Lakas ng Pilipinas (AFP) sa ilalim ng ‘Multilateral Maritime Cooperative Activity (MMCA), sa layuning palakasin anginteroperability ng magkakaalyadong puwersa.

Habang tumatagal ang tensiyon ay lalong lumalaki ang gawak sa pagitan ng kampo ng pro-Marcos at pro-Duterte, at hindi natin namamalayan, nakakaligtaan nating pagtuunan ng pansin ang mga mahahalagang suliraning panloob ng bansa gaya ng patuloy na pagtaas ng presyo ng petrolyo, hindi maampat na iba’t ibang krimen sa loob at labas ng National Capital Region, pagpatay na may kaugnayan sa nalalapit na midterm elections, ang patuloy na pagbaha ng ipinagbabawal na droga sa buong kapuluan at iba pang salik na naglalagay sa panganib sa buhay ng sambayanan.

At kung sakaling hindi maresolba ang nasabing bangayan, walang lalabas na panalo sa kampo ng mga pro-Marcos at pro-Duterte kungdi pareho silang talo dahil hindi ito magdudulot ng positibong kaayusan para sa pagkakamit ng isang bansang maunlad, mapayapa at nagkakaisa ang mga mamamayan.

At higit na talunan ay ang sambayanang Pilipino na umaasang sila’y pagsisilbihan ng kanilang mga iniluklok na lider para sa ikapapanatag at ika-uunlad ng kanilang kinabukasan hindi lang sa kasalukuyan kungdi sa susunod pang salinlahi.

Pero syempre pa, hindi natin maiaalis ang presyensa ng Liberal Party na alam naman nating malakas ang pwersa at kumpleto ang kaminarya na mayroong sariling prinsipyong pinanghahawakan at may kakayahan para mamanipula ang lahat, dahil sa usap-usapan na umano’y malapit ang First Lady sa ilang mga  personalidad na kasapi rito.

At hindi maiwasang isipin ng iba na malaki ang naging papel nila sa mga nangyayari sa paligid at ang awayan ng dalawang kampo ay ang paglakas ng partidong ito. Weakest link kasi ang mga Duterte at strongest link syempre ang administrasyon.

 Sa mga simpleng analytics, hindi kakayanin na mawasak ang dalawang partido kaya nga sa step back leadership, kelangan mo silang pag-awayin at ang matira ay kaya nang pabagsakin.

Opinyon lamang ito syempre, dahil alam naman nating hindi in goodterms at kitang-kita kung pa’no siraan ang mga Marcos kaugnay nu’ng nakaraang election. Pero tila nag-iba ngayon ang ihip ng hangin na parang nagkakaisa sila laban sa mga Duterte.

Pero nai-isip din natin na pagkatapos na maibagsak ang dating Pangulo, ano kaya ang kasunod na senaryo? Hindi natin tuloy maiwasan mapa-isip na may kinalaman sila rito. Sabagay si Sen. Trillanes naman ang pasimuno rito. Kaya sa mga nasa kampo ni PBBM ingat din po.

  Ayon naman  sa ibang political analyst at sa ilang mga tumatakbong kandidato, na ang mga PDP line-up ang nakinabang dito, dahil ang galit ng mga pro-Duterte supporters sa administrasyon ay nadamay rito.

Ang mga kaalyado sa pulitika ay kaliwa’t kanan din ang pagbatikos at hindi natin maikakaila ang malakas na pwersa ng mga pro-Duterte at ang patunay ay ang mga daan-daang protestang inilunsad sa harap mismo ng The Hague, at talaga naman dinadagsa ito hindi lang sa bansa kundi sa iba’t ibang bahagi sa mundo.

Kaya sabi ng ilang mapagmatyag,  kesa humina ay lalo  pa yatang lumakas ang PDP o ang grupo ng mga pro-Duterte.            

Ano man ang maging kasagutan sa ating katanungan, sana ay hindi masakripisyo ang taong bayan–mga taong ang gusto lamang ay makakain at makapamuhay ng may kapayapaan, malayo sa gulo na ‘di bale nang kinakapos basta ligtas at payapa ang kaisipan.

Kaya sana ay malayo tayo sa kaguluhan na kinakatakutan ng karamihan na kapag nagpatuloy ang ganitong awayan ng mga taong ganid sa kapangyarihan, ang kapahamakan ng mamamayan  ang dapat isa-alang-alang.