PASIG CITY LOCAL ELECTION: ANG PAGBABAGONG NAIS PAHINTUIN

GOOD ENOUGH GOVERNANCE – “tama na ito”; “okay na ito”; “at least, may naitulong at nagawa kahit korap”. Ilan sa mga bagay na tumatak na sa bawat mamamayang Pilipino na ang dahilan ay ang malinaw at harapang panloloko ng mga opisyal na pinagsisilbihan lamang ay ang kanilang mga pansariling interes.
Ngunit, hindi sapat ang “sapat lang”; at hindi kailanman naging ayos lang ang gobyernong “ayos na”.
Sa mundo ng gobyerno’t pamamahala ay hindi na natin mapaghihiwalay ang administrasyon at ang pulitika. Ang pulitika ay ang galaw at gawain ng mga personalidad na nagnanais na makaupo sa isang elective na posisyon; habang pag administrasyon naman ay ang lahat ng pagkilos, pamamahala, at ang gobyerno mismo.
Ngunit bilang mga botanteng dapat na inire-representa ng mga opisyales ay nararapat nating malaman ang kaibahan ng masamang pulitika sa mabuti. Dahil ang masamang pulitika ay nagtataglay ng isang maitim na balak ng pangongorap at pang-aabuso sa kapangyarihan. Kaya naman, ang gobyerno sa Pasig City ngayon ang ating pag-usapan.
Matapos wakasan ni Mayor Vico Sotto ang paghahari ng TRAPONG pulitika ng mga Eusebio sa Pasig noong Halalan 2019, ay nakita ang malinaw at inklusibong pagbabagong umiiral ngayon sa Lungsod ng Pasig. Pagbabagong kasama ang mga Pasigueño; pagbabagong nagdulot sa pagkawala ng korapsyon at kalokohan sa namamahala ng lungsod; at pagbabagong kinikilala ng mga mamamayan at ng ilang mga sektor maging nasyonal at internasyonal na lebel.
Pagbabagong nais yatang wakasan ng isang kandidatong nagngangalang “Sarah”.
Si Sarah ay nagnanais na tumakbo’t makaupo bilang alkalde ng Pasig sa pamamagitan ng kaniyang paggamit ng makalumang pulitikang kaakibat ng lumang korapsyong winalis ni Vico Sotto.
Ang inyo pong abang lingkod ay taal na batang Pasig. Nasaksihan ko kung paanong ang bawat streetlights at mga libreng uniporme’t school supplies na ipinamamahagi sa bawat mag-aaral sa lungsod ay mayroong logo ng mga Eusebio – ang dinastiyang nabuhay at nabuo nang dahil sa galing nilang magmaniobra ng galaw ng pulitika. Nasaksihan ko rin ang pagbabagong hatid ng pamunuan ni Sotto nang ako’y muling bumalik sa lungsod at manirahan muli roon sa kasagsagan ng pandemya.
Mga pagkilala, mga positibong naratibo, at ang nakikitang pag-unlad na hindi lamang para sa iilang mayayaman sa lipunan – ilan sa mga bagay na pinapangarap ng nakararami. Isang bagay na kina-iinggitan ng maraming Pilipino sa lungsod ng Pasig. Hindi tamang siraan ang taong nagpursiging ayusin ang magulo at sirang panunungkulan na dekadang umiral sa lungsod. Hindi tamang magpakalat ng mga maling balita’t propaganda upang makamit ang hinahangad na posisyon.
Oo na’t sinabi ni Woodrow Wilson na “politics and administration cannot be dichotomized”, ngunit hindi tamang gumamit ng propagandang ipinakilala ng mga pasista’t diktador upang laruin at lakbayin ang larangan ng pulitika – sapagkat isa itong malinaw na pagmamanipula ng mga mamamayan ng isang demokratikong bansa.
Sa aking karera bilang isang mamamahayag, ay hindi ako kailanman nagbigay ng pangalan ng kandidatong karapat-dapat iboto, bagkus ay pinapangalanan ang mga taong dapat lamang nating iwasang iluklok sa pwesto. Ngunit iba ito, kapatid, at masasabi kong baliw ang mga taga-Pasig kung magpapa-uto ulit sila sa lumang pulitikang ginagamit ng kampo ni Sarah.
“A three 3-year term is not enough for a good public servant implementing actual good governance. Pasigueños, don’t deprive yourselves the last term of an excellent and true public servant.”