Sa pag-aresto kay FPRRD: AMA’T ANAK NAGKALAPIT, MAG-ATE NAGKALAYO

IMBES na magalit si Vice President Inday Sara Duterte kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr., sa ginawa nitong pagpapadadala kay dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte sa International Criminal Court (ICC) sa The Hague, Netherlands ay  pinasalamatan niya ito dahil nagkalapit sila ng kanyang ama.

     Sa pahayag ni VP Sara sa mga taga-media, sinabi nito na dahil sa pagkakakulong ng kanyang ama (Digong) sa International Criminal Court (ICC) sa The Hague, Netherlands ay nagkausap sila ng masinsinan ng dating pangulo.

     Anya, kung hindi dahil sa pagkakadala ng kanyang ama sa The Hague, Netherlands ay hindi sila nabibigyan ng pagkakataon na muli silang magkausap na malapitang mag-ama, kung kaya’t sa pagkakataong ito ay  pinasasalamatan niya si Pangulong Bongbong Marcos.

     Matatandaan nu’ng nakaupong Presidente pa si Duterte at kasalukuyang mayor ng Davao City si Inday Sara, ay hindi sila nagkakausap ng harapan o personal na mag-ama dahil kapwa silang mga abala sa kani-kanilang mga trabaho. 

     Kaugnay nito, pinayuhan si VP Sara ni dating Pangulong Duterte na umuwi na ito at ‘wag pabayaan ang kanyang trabaho bilang inihalal ng nasa 32 milyong mga Pilipino noong May 2022 elections, na naging dahilan ng pagkakalagay niya bilang pangalawa sa pinakamataas na posisyon sa gobyerno.

     Sinabi naman ni VP Sara sa mga susunod na mga araw ay posible na siyang magbalik sa Pilipinas para gampanan niya ang kanyang pagiging pangalawang pangulo.

     Matatandaan kamakailan ay nagpatutsada si Presidential Communications Office Undersecretary Atty. Claire Castro na dapat anyang bumalik na sa Pilipinas si VP Sara para gampanan nito ang kanyang pagiging halal na opisyal sa Pilipinas.

     Samantala, kung nagkalapit sina dating Pangulong Duterte at ni Vice Presidet Inday Sara ay tila nagkakalayo naman ang loob nina Pangulong Bongbong Marcos at ng kanyang ate na si Senadora Imee Marcos dahil sa isyu rin ng pagkaka-aresto kay FPRRD.

     Kamakailan, pinangunahan ni Sen. Imee Marcos ang isinagawang pagdinig ng Senate’s Committee on Foreign Relations kaugnay sa pag-aresto kay Duterte sa Villamor Airbase sa Pasay City na humantong sa pagkakadala sa dating presidente sa ICC sa The Hague, Netherlands. 

     Kabilang sa mga dumalo ay sina Justice Secretary Jesus Crispin Remulla, kanyang kapatid na si Department of Interior and Local Government Secretary Jonvic Remulla, Defense Secretary Gilbert Teodoro, National Security Adviser Eduardo Año, Philippine National Police Chief Rommel Marbil, Criminal Investigation and Detection Group Director Major General Nicholas Torre III at Philippine Center on Transnational Crime Executive Director Anthony Alcantara.

     Sa nasabing pagdinig, tinanong ni Sen. Marcos ang mga resource person kung sino ang nagplano sa pag-aresto at ipinadala pa sa ICC sa The Hague, Netherlands ang dating pangulo?

     Nakalkal din sa pagdinig kung totoo ngang may warrant of arrest si Pangulong Duterte mula sa ICC at kung paano isinagawa at ang kawalan respeto ang ginawang pag-aresto ni Maj. Gen Torre kay FPRRD.

     Nauna rito, naging kongtrobersyal ang pahayag ni DILG Sec. Remulla na kasama ‘di umano sa nagplano sa pagpapadala kay Duterte sa The Hague, Netherlands sina Sec. Teodoro, Año at Pangulong Bongbong Marcos.

     Sa nabanggit na pagdinig ay hindi nakuntento si Sen. Marcos kung kayat muli siyang nagtakda ng hearing, subalit sa kabila ng inaasahan niya na susuportahan siya ng Palasyo ng Malakanyang ay nagpalabas pa ng sulat si Executive Secretary Lucas Bersamin na hindi nito pinapayagan ang nasa ilalim nilang mga opisyal na dumalo sa pagdinig ng senadora.

     Kung kayat sa pinakahuling hearing ng Senate’s Committee on Foreign Relations ni Sen. Marcos ay walang dumating sa kanyang inimbitahan na resource persons na nagmistulang binoykot ng Palasyo ng Malakanyang ang kanyang paanyaya.

      Dahil dito, nagtataka si Sen. Marcos na kung sino ang nasusunod sa Malakanyang, ang kanyang kapatid ba o ang mga tauhan nito dahil sinabi sa kanya ni PBBM na nakahandang makipagtulungan ang nasa ilalim nito sa kanyang isasagawang hearing.

     Nabatid na ang sinakyang eroplano ni dating Pangulong Duterte patungong ICC sa The Hague, Netherlands matapos siyang arestuihin ay nanggaling mismo sa Administrasyon ni PBBM.     

(ROADNEWS Investigative Team)