ATTY. IAN SIA: ABOGADO’T KANDIDATONG WALANG DELIKADEZA

alberto

SA patriyarkang mundong ginagalawan natin, ‘wag nang bigyan ng lugar ang mga taong nangmamaliit sa mga kababaihan.

   Atty. Ian Sia, kandidato para sa pagka-representante ng isang distrito sa Pasig City.      

   Sino ba ang hindi pa nakakikita ng kaniyang video patungkol sa mga single moms na maaari raw silang sumiping sa kaniya sa gabi. Bagay na ipinaliwanag niya’t sinabing isa lamang biro at tinawanan lamang ng kaniyang mga taga-pakinig. Ngunit hindi yata siya natitinag sa kaniyang kawalang-hiyaan, sapagkat kamakailan lamang ay nagbigay na naman siya ng mga sexist na salita sa kaniyang assistant – tinawag niya itong mataba, at hindi raw umano siya kukuha ng matabang assistant  kung siya raw ay isang manyak na tao.

   Isang bagay na hindi tama, hindi makatao, at mga salitang hindi dapat binabanggit ng isang tao, lalo na ng isang abogado.

   Atty. Sia, ikaw ay isang abogado. Alam kong alam mo na ang mga binibitawan mong salita’t inaakto ay mariing ipinagbabawal ng Code of Professional Responsibility and Liability – “a lawyer shall not use language which is abusive, intemperate, offensive, or otherwise improper, oral or written”; “a lawyer shall not engage in conduct that adversely reflects on one’s fitness to practice law…”; “a lawyer shall use only dignified, gender-fair, child and culturally-sensitive language in all personal and professional dealings” – kung susumahin, ang sinasabi ng Canon II (Propriety) ng CPRA ay dapat magsalita’t kumilos ng may respeto’t paggalang sa bawat kasarian at tao ang isang abogado. Bagay na malinaw na hindi mo ginagawa, at sa tingin ko’y kung kaya mong sabihin at gawin iyan sa oras ng kampanya, sa harap ng publiko, ay hindi malabong ginagawa’t sinasabi mo iyan sa marami pang pagkakataong hindi ka nakukuhanan ng kamera.

   Seksismo. Pambabastos. Pagiging walang-hiya.

   Kahit hindi na lang bilang abogado, kahit sana bilang taong may nanay, kapatid na babae, o asawa ay nagbibigay ka ng respeto’t paggalang sa mga kababaihan – mga babaeng nagpapatibay ng pundasyon ng tahanan at ng komunidad.

  Ang pag-alis ni Shamcey Supsup sa inyong alyansa ay isang malinaw na halimbawang nagpapakita kung sino ka bilang tao. Hindi alam ni Shamcey ang CPRA, ngunit nakita ka niya bilang taong walang modo na siguradong mang-aabuso sa iyong kapangyarihan kung sakaling ikaw ay maluklok sa pamahalaan. Hindi tama ang iyong inaasta. Hindi mo pwedeng sabihing biro lang, dahil sa mahabang panahong inalipusta ang mga kababaihan, sila ay nakibaka at ipinaglaban ang kanilang karapatan para kilalaning mahalaga sa isang sibilisadong lipunan at hindi para iyong yurakan ang kanilang pagkakakilanlan at pisikal na kaanyuan.

   Kung sabagay, kung ang iyong sinasamahang si Sarah nga na tumaakbong alkalde ay para ring walang delikadeza at isang despot, hindi nga rin malabong ganiyan ka talaga bilang tao. Dahil sa aking aral na opinyon ay kapatid ng maruming pulitiko’t propagandista ang katulad mong may ugali ng isang pasistang mapang-alipusta. Parehas kayo ng amo mong kawangis ni Hitler ang galaw sa pulitika at personal na pananaw at pag-uugali.

   Masamang mangmaliit ng tao kahit na ano pa man ang kasarian at pisikal na itsura nito.

   Bilang tao, ang iyong inasal ay pagpapakita ng kawalang-hiyaan at kawalan ng modo. Ano ka pa kaya, isang abogado, may pinag-aralan at napatunayan na sa propesyon mo? Dapat sana’y alam mo iyan. Biro man o hindi, ang CPRA ay malinaw na nagbabawal ng mga aksyon at salita mong ginagawa at sinasambit. Hindi iyan ang dapat inuugali at pinapakita ng isang abogado, bagkus ay salita ng taong walang konsensiya.

   Kung sa kampanya pa lamang ay ganiyan na ang iyong ginagawa at inaasta, paano na lang ang mga minamahal kong taga-Pasig? Sa yabang mo at mga sinasabi, pakiwari ko’y kung ikaw man ay maluluklok, mababalot na naman ng kontrobersiya at pangamba ang lungsod.

“LUMABAN NG ILANG DEKADA ANG KABABAIHAN HINDI PARA YURAKAN AT MALIITN NG ISANG SEXIST NA ABOGADONG KATULAD MO, KUNDI PARA MAKILALA’T MAIRESPETO ANG KANILANG KARAPATAN. ANG BASTOS MO, ABOGADO KA PA NAMAN,  ATTY. IAN SIA!”