Jan Paul Morales, babalik sa MPTC Tour of Luzon 2026
Baguio City – Ipinamalas ni Jan Paul Morales ang puso at matinding katatagan na kinikilala sa isang siklistang Pinoy kahit nagtamo ng aksidente sa unang yugto sa pagsasagawa ng pinakamaigting na pagsikad upang halos agawin ang titulo ng nagbabalik na maalamat na Tour of Luzon – The Great Revival na nagtapos sa Camp John Hay.
Napag-iwanan ng 3 minuto at 6 na segundo bago ang napakahirap na akyatin sa pinakahuling yugto na Stage 8 na mula Lingayen paakyat sa Baguio, isinagawa ni Morales para sa isang 39-anyos ang nakakabilib na pag-akyat sa napakatarik na kalsada ng Kennon Road upang halos maitala ang pinakamaigting na pag-agaw sa korona sa buong kasaysayan sa bansa.
Una nang nagtamo si Morales ng aksidente matapos mabangga sa Stage 1 kung saan nasa pangalawa ito sa likod ng tinanghal na kampeon na si Dae Yeong Joo ng Korea na tumapyas sa malaki nitong oras. Naharangan din ito ng isang trailer habang bumubuwelo na sa Stage 7 na Individual Time Time (ITT).
Gayunman, anim na segundo lamang na kinulang si Morales upang maitala sana ang posibleng pinakamalaki na pag-ahon sa kasaysayan ng 70 taon na karera kung saan mula sa ika-5 puwesto ay nagawa nitong akyatin ang pangalawang puwesto at iuwi ang nakatakda na P.5 milyong premyo.
“Magretiro na sana ako kung nanalo ako sa Tour of Luzon,” sabi ni Morales sa grupo ng mamamahayag ilang sandali matapos pumangalawa sa likod ng Koreanong si Joo Daeyoung sa mahigpit na pagtatapos ng muling nabuhay na inaabangan na karera nitong Huwebes.
Agad din nagdesisyon si Morales na pansamantalang ibasura ang planong pagreretiro sa pagnanais na makapagtala ng isang makulay na pagtatapos bilang isang all-time great sa Philippine cycling.
“Isa pa siguro. Itigil ko muna ang plano ko na pagreretiro,” sabi ni Morales, na pumangalawa rin sa lap winner na si Joshua Pascual ng Excellent Noodles sa Stage 8 ng walong yugtong karera.
Dahil ang misyon ni Morales ay hindi nangyari ayon sa plano, ipinahayag niya ang kanyang pagnanais na makakuha ng isa pang shot sa titulo ng Tour sa susunod na taon.
Gayunman, nakasalalay pa ang lahat sa isang pangunahing kadahilanan ng mula Marikina City na si Morales.
“Titingnan natin kung kaya pa ng katawan ko dahil marami na akong nararamdaman,” sabi nito.
(Lianne Encarnacion)
