LTO chief impostor, arestado sa pangignikil sa bus operator
ARESTADO ang isang 42-taong gulang na lalaki, matapos na magpanggap na isang Land Transportation Office (LTO) Chief Vigor Mendoza. Kinilala ang suspek na si Jeffrey Morong Mendoza na mula pa sa San Mateo, Rizal.
Ang modus ng suspek, maniningil ito ng malaking halaga ng pera sa mga operators para makuha nito ang kanilang units na na-impound dahil sa pagiging colorum ng mga ito.
Ayon sa mga otoridad, nadakip ang suspek sa isang operasyon na pinangunahan ng Intelligence Agents ng LTO katuwang ang mga operatiba mula sa Philippine National Police Anti-Cybercrime Group (PNP-ACG) sa isang terminal habang huli sa akto na tinatanggap ang pera mula sa isang operator.
Samantala, nauna nang nalaman ni Mendoza ang ginagawang ito ng impostor nang magsumbong ang ilang mga operators sa kaniyang tanggapan. Kasalukuyan nang inihahanda ang patong-patong na mga kasong isasampa laban sa nasabing impostor.
(Buboi Patriarca)

