KAMPO NG MGA DUTERTE MALABONG MAKIPAG-USAP KAY BBM
NAGKATOTOO ang sinabi ni dating Pangulong Rodrigo Duterte na mahinang pinuno o weak leader si Pangulong Bongbong Marcos, Jr.
Bakit kamo? Ngayon nakita ni PBBM na kahit anong laking halagang pera ang pinakawalan nila para sa pangangampanya ng kanilang mga kandidato, partikular ang kanilang mga senador, ay hindi pa rin ito kinagat ng mga botante.
Sa katunayan, habang nasa campaign period ng 2025 Midterm Elections, dalawa sa kandidato ng Alyansa para sa Bagong Pilipinas ang bumtiw sa kanila, sina Camille Villar at ang Super Ate ni PBBM na si Imee Marcos.
Malamang naramdaman ng dalawa na hindi sila mananalong senador habang nasa kampo sila ng Alyansa para sa Bagong Pilipinas.
Mas minabuti nina Imee at Camille na magtawid-bakod na lang sa kampo ng mga Duterte na inendorso naman ni Vice President Inday Sara Duterte kaya hayun nanalo ang dalawa.
Ngayon dahil inendorso ni VP Sara sina Camille Villar at Imee Marcos, natural magiging anti-impeachment ang dalawa.
Dahil sa resulta ng katatapos na eleksyon, posibleng hindi na mapatalsik si VP Sara sa kanyang pwesto.
Kung pagbabasehan natin ang mga nanalong senador sa panig ng BBM administration kabilang sina Ping Lacson, Tito Sotto, Pia Cayetano, Lito Lapid at Erwin Tulfo, samantala nanalo naman ang malalapit sa mga Duterte na sina Bong Go, Bato Dela Rosa, Rodante Marcoleta, Camille Villar at Imee Marcos.
Para mapataksik si VP Sara ay kinakailangang may labing anim (16) na senador ang papabor sa impeachment at siyam (9) naman ang kailangang boto para mapanatili sa pwesto ang pangalawang pangulo.
Kung madadagdagan sina Bong Go, Bato dela Rosa, Rodante Marcoleta, Camille Villar at Imee Marcos at makumpleto nila ang bilang na siyam (9) na senador ay malabo nang mapatalsik si VP Sara.
Kabilang sa mga senador na posibleng pumanig sa anti-impeachment ay sina Senators Allan Peter Cayetano, Jinggoy Estrada, Mark Villar at iba pa.
Pag nagkataon na hindi mapatatalsik si VP Sara sa kanyang pwesto, lalo pa itong lalakas at aani ng simpatiya sa mga Pilipino.
Marahil ito ang nakita ni PBBM na senaryo kaya nagbago ang kanyang pananaw at bigla siyang lumambot at nais niya na ngayon makipag-usap sa mga Duterte.
Sa tanong ni Anthony Taberna sa isinagawang interview kay PBBM, kung bukas ba siya na makipag-usap sa mga Duterte, sinabi nito na kahit anong oras ay bukas siya na makipag-usap sa mga Duterte.
Sabi pa niya, na ayaw niya nang madagdagan pa ang kanyang mga kaaway dahil marami na raw sila.
Sa tingin ni PBBM ganun lang kadali ang ginawa nilang pagpapaaresto sa dating Pangulong Duterte at pagpapa-impeach nila kay VP Inday Sara?
Dahil nakita n’yo na kahit kayo ang nakaupo ay si dating Pangulong Duterte pa rin ang isinisigaw ng mga Pilipino?
Nakita nyo naman kung gaano karaming protesta ang isinagawa nu’ng ipinahuli nyo at nagdiwang ng kaarawan ang dating Pangulo kamakailan.
Dahil sa bigla mong pagbabago ng pananaw PBBM, ay pinatutunayan mo lamang na totoo nga ang sinasabi ni Pangulong Duterte na weak leader ka.
Ganun din ang sinabi ni VP Sara na hindi mo kayang pamunuan ang Pilipinas dahil marami kang ipinangako nu’ng tumatakbo ka pa lang na hindi mo natupad.
Paano ka ngayon paniniwalaan na sinsero ang iyong mga sinasabi?
Sinayang mo lang ang tiwala sa ‘yo ng taumbayan na kaya ka ibinoto nung 2022 elections at naging presidente ka ng bansa.
Sabi tuloy sa ‘yo ng taumbayan na wala kang utang na loob sa dating Pangulong Duterte na ipinalibing sa Libingan ng mga Bayani ang iyong ama (dating Pangulong Ferdinand E. Marcos, Sr.).

