AT NAGBUNGA ANG MABUTI AT MATAPAT
SINUSULAT itong pitak natin, sampung araw nang nakalipas ang 2025 midterm elections para sa lokal at pambansang puwesto.
Binabati natin ang mga nagwagi at doon sa mga nabigo, ‘better luck next time,’ ika nga.
Simulang lumarga ang kampanyahan, siyamnapung (90) araw sa nasyonal at apatnapu’t-lima (45) sa lokal. Merong mga re-electionists at mga baguhang kandidato ang tumawag sa ating pansin na tunay namang nag-marka sa ating kamalayan.
Hindi na natin iisa-isahin kung sino ang mga ito dahil kukulangin tayo sa espasyo, kaya hayaan niyo na ating pagtuunan ang naging mga senaryo o kaganapan sa Lungsod ng Pasig.
Partikular sa kampo ng re-electionist o ang Giting ng Pasig team sa ilalim ni Mayor Vico Sotto kontra sa baguhang Kaya This team sa ilalim ni Sarah Discaya.
Last term na ni Mayor Vico Sotto ang May 12 elections, kaya’y inaasahang magiging agresibo at magiging magarbo ang kanyang campaign strategy at makinarya—-pero ibang klase ang naging mga senaryo dahil sa kanyang campaign sorties na karamihan ay ginaganap sa mga eskinita at bangketa na walang stage, maliban sa ginawa nilang miting de avance, na ginanap sa Plaza Rizal.
At litaw na kulang ang mga tarpaulin na naglalako ng mukha ng Giting ng Pasig Team.
Samantala ‘yung kanyang katunggali, ay kontodo namumudmod ng iba’t-ibang ayuda (bigas na may cash pa) at merong regular na pa-press conference pa. (Bukod pa roon sa nagkatusak ang kanilang mga tarpaulin at campaign paraphernalia).
Sa mga talumpati ni incumbent Mayor Vico, halatang napaka-kampante niya sa talumpati na madalas niyang nilalangkapan ng pagpapa-tawa at buong kasiyahan naman ng kanyang mga taga-suporta abg kanilang mga reaksiyon.
Damang-dama ang pagmamahal at pagpapahalaga ng mga Pasigueño kay Mayor Vico at marami ang natuwa nang meron isang nanay ang pinayungan ang kanilang mayor habang ito’y nagsasalita sa gitna ng matinding init ng araw.
Sa mga talumpati ni Sotto, wala siyang mga binitiwang pangako na karaniwang pinagsisigawan ng mga kandidato, maliban sa kanyang mga sinasabing, “Itutuloy natin ang malinis at matapat na paglilingkod sa ating pamamahala at ‘yan po ang ating sinasabi sa aking buong Giting ng Pasig Team…”.
Heto nga at talagang inilampaso ni Vico Sotto ang kalaban sa botong 392,378 kontra sa 32,388 na boto ni Discaya. At sampu ng mga konsehal at ang kanilang congressman, si Roman Romulo ay nagwagi na talagang landslide (15-0) sa tunay na pakahulugan nito.
Hindi naman nakapagtataka ang ganoong resulta dahil napatunayan na ng mga Pasigueño na isang matapat at mabuting lider si Vico sotto simulang siya’y manalong konsehal noong 2016 at kanyang unang ipinanukala ang Ordinansang Panglungsod hinggil sa transparency at accountability.
At nu’ng 2019 siya’y tumakbong Mayor at nagwagi at kanyang tinalo ang political dynasty ng mga Eusebio na umupo sa loob ng 27 taon sa lungsod. At siya’y nare-elect noong 2022 at muli niyang pinatunayang siya’y tunay na minahal ng mga Pasigueño.
Sa kanyang pagiging Ama ng Pasig, kanyang binura ang SOP o ang kalakarang 10% o higit pa, kickback sa lahat ng mga procurement at transactions sa mga gawaing pangbayan sa lungsod.
“Pasensiyahan po tayo. Hindi ko po papayagan ang ganitong sistema sa ating pamamahala. Hindi po natin pinapayagan ang pagnanakaw sa pondo ng bayan dahil ito po ay para sa taong-bayan na ating pinaglilingkuran…” ang malinaw na ipinahayag noon ng bagong mayor ng lungsod.
At heto ngang 2025 midterm elections, talagang gumawa ng kasaysayan ang muling panalo ni Mayor Vico Sotto sa kabila ng mga hamong kinaharap nito gaya ng umano’y petisyon ng diskwalipikasyon sa Comelec at reklamong graft and corruption sa Ombudsman, na hindi naman umobra dahil ang nangibabaw ay ang katotohanang walang bahid ng katiwalian ang anim na taong pamamahala ng isang Vico Sotto sa lungsod ng Pasig.
At bago magsimula ang kampanyahan, inilabas ng kampo ni Vico Sotto ang planong naka blue print, ang makabagong Pasig City Hall, na kanyang ipinagmamalaking world class ang arkitektura at kaniyang ipararanas sa kanyang nasasakupan na kayang tamasain ng mga Pasigueño ang isang moderno at maalwang city hall na naroon na ang lahat ng kanilang mga pangangailangan.
Ang nasabing proyekto ay nagkakahalaga ng PhP9-bilyon na itatayo sa dalawang hektarayang lupa. Ide-demolish ang lumang nakatayong city hall at ang mga gusaling nakapaligid dito.
Samakatuwid, ang naging susi o ang rason kung bakit naging landslide ang third re-election bid ni Mayor Vico ay ang kanyang performance na talagang direktang naramdaman ng mamamayan at naging maalwan ang kanilang mga kalagayan bilang Pasigueño.
Dahil sa isang MATAPAT at MABUTING pamamahala kung kaya’t nanaig ang Giting ng Pasig Team nina Vico Sotto at Dodot Jaworski.
Mabuhay ang matapat at mabuting pamamahala ng ating mga pinunong bayan!

