LACSON, GIGIBAIN ANG TUPAD, AKAP at AICS
“ANG dapat ay tulong para sa mahihirap, pero sa TUPAD, AKAP at AICS, mas nauuna ang koneksyon kaysa pangangailangan. Pinaglalaruan ang listahan, inuuna ang kakilala, at lalong masama, ginagamit ito bilang pang-kampanya kahit hindi pa eleksyon,” pahayag ni Lacson sa isang panayam.
Mariing kinuwestyon ni Senator-elect Panfilo “Ping” Lacson ang mga programang ayuda ng gobyerno tulad ng TUPAD, AKAP, at AICS, na aniya’y hindi naman nagsisilbi sa tunay na layunin ng serbisyo publiko kundi nagiging kasangkapan ng pamumulitika at pabor-paboran.
Sa halip na sistemang pantay at makatarungan, ibinulgar ni Lacson na ang mga nasabing ayuda ay ginawang kasangkapan ng ilang mambabatas at opisyal para sa pansariling interes.
Ayon pa kay Lacson, ang mga programang ito ay madalas na nagiging instrumento ng ilang mambabatas upang palakasin ang kanilang personal na interes, sa halip na tunay na makatulong sa mga nangangailangan. “Ang mga intensyon ay nabaluktot, at ang pondo’y unti-unting napunta sa kamay ng mga bihasa sa ‘ayuda politics,’” aniya.
Bilang tugon, isinusulong ni Lacson ang integrasyon ng lahat ng porma ng ayuda sa ilalim ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps), na may mas sistematikong batayan, malinaw na listahan ng mga benepisyaryo, at iisang pamantayan sa implementasyon. “Kung may isang programang dapat pagtiwalaan, ito ang 4Ps. May malinaw na datos, may sapat na pag-aaral, at hindi ito basta-basta naaabuso,” dagdag niya.
Sa kanyang pagbabalik sa Senado, bitbit ni Lacson ang paninindigang wakasan ang sistemang “tulong na nagagamit sa taas, pero kapos sa baba.” Aniya, hindi na dapat maging playground ng pulitika ang mga tulong ng gobyerno, dapat itong bumalik sa tunay na layunin nito: ang mahihirap, hindi ang makapangyarihan.
(RoadNews Investigative Team)

