Kamanggagawa Partylist, Pinangunahan ang 20th Congress sa Paghain ng Makasaysayang mga Panukalang Batas para sa Manggagawa
Sa unang araw ng 20th Congress, nagpakitang-gilas ang Kamanggagawa Partylist sa pamumuno ng labor leader at bagong halal na kongresista na si Rep. Eli San Fernando, sa pamamagitan ng paghain ng walong makabagong panukalang batas at dalawang mahahalagang resolusyon upang isulong ang hustisyang panlipunan, pantay na sahod, at marangal na trabaho para sa lahat.
Nanguna sa mga inihain ng Kamanggagawa ang National Minimum Wage Act, na naglalayong wasakin ang provincial wage system at magtatag ng iisang minimum wage sa buong bansa. Saklaw ng panukala ang limang taong transisyon upang pagtugmain ang sahod sa iba’t ibang rehiyon at tuluyang buwagin ang Regional Wage Boards. Ang mga tungkulin ng mga ito ay isasailalim sa pinalakas na National Wages and Productivity Commission para masiguro ang patas na sahod para sa lahat ng manggagawa.
Bukod sa minimum wage, naghain din ang Kamanggagawa ng mga sumusunod na makabuluhang panukala:
1. Expanded Sick and Vacation Leave Act – Dagdag na benepisyo para sa mga manggagawa
2. Abolition of Labor-Only Contracting – Wakasan ang endo at ilegal na kontraktwalisasyon
3. Repeal of Assumption of Jurisdiction – Proteksyon sa karapatan ng mga manggagawa sa pagwewelga
4. Micro and Small Enterprise Subsidy Program – Tulong sa maliliit na negosyo para makapagbigay ng maayos na sahod
5. Resignation Pay Act – Karampatang bayad para sa mga empleyadong nagbibitiw sa trabaho
6. Strike Rights for Government Workers – Pagkilala sa karapatan ng mga kawani ng gobyerno na magwelga
7. Magna Carta of Barangay Health Workers – Dagdag benepisyo at proteksyon para sa mga BHW
Ang mga panukalang ito ay hindi lamang para sa mga manggagawa, kundi para sa bawat Pilipinong nangangarap ng mas maayos na buhay. Panahon na para wakasan ang mababang sahod at pang-aabuso sa trabaho.
Sa pamamagitan ng mga panukalang ito, layunin ng Kamanggagawa Partylist na itaas ang antas ng buhay ng mga manggagawa at isulong ang tunay na pagbabago sa lipunan.
(Buboi Patriarca)

