PBBM, Nag-utos ng Mas Malalimang Imbestigasyon sa Mga Nawawalang Sabungero
Ipinag-utos ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang mas masinsinang imbestigasyon ukol sa pagkawala ng ilang sabungero na hanggang ngayon ay hindi pa rin natatagpuan. Layunin ng pangulo na matukoy ang mga responsable at mabigyan ng katarungan ang mga biktima at kanilang pamilya.
Ayon kay Presidential Communications Office Undersecretary Claire Castro, nais ni PBBM na malaman ang buong katotohanan sa likod ng insidente at tiyakin na mapapanagot ang mga may sala. Kasalukuyan nang nagsasagawa ng pagsisiyasat ang Department of Justice (DOJ), kaya hinihimok ng Palasyo ang publiko na hintayin ang opisyal na resulta nito.
Giit ni Castro, naniniwala ang administrasyon sa integridad ng hudikatura at titiyakin na malulutas ang kaso alinsunod sa batas. Patuloy ang pakikipag-ugnayan ng pamahalaan sa mga apektadong pamilya upang matugunan ang kanilang mga hinaing.
(Darwell Baldos)

