Mabilis at Malawakang Operasyon ng LTO, Sinimulan sa NAIA

Nagdeploy ang Land Transportation Office (LTO) ng maraming enforcer sa mga terminal ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA) para magsagawa ng masinsinang operasyon laban sa mga PUV driver na nang-aabuso sa pasahero.

Sa direktiba ni LTO Chief, Assistant Secretary Atty. Vigor D. Mendoza II, magiging mas agresibo at real-time ang aksyon laban sa mga taxi, motorcycle taxi, at iba pang pampublikong sasakyan na nag-o-overcharge, nanloloko, o lumalabag sa batas.

“Gagawin nating ‘DISCIPLINE ZONE’ ang NAIA at mga paligid nito. Walang lulusot sa ating operasyon, siguradong susunod sila sa regulasyon o tatanggalin sila sa kalsada,” giit ni Mendoza.

Noong Miyerkules (Hulyo 2), 41 PUV ang nasita sa NAIA Terminal 3, kabilang ang dalawang sasakyang may expired registration at isang motorcycle taxi na na-impound kaagad.

Bukod sa random inspection, tiniyak din ng LTO na alam ng mga pasahero kung saan sila pwedeng magreklamo laban sa mga abusadong driver.

“Hindi tayo magdadalawang-isip na impoundin ang mga sasakyan ng mga violator. Sisiguraduhin nating doble ang parusa sa mga lalabag, hindi na natin palalampasin ang pang-aabuso,” dagdag ni Mendoza.

Hindi na sila makakatakas. Sa ilalim ng mas pinaigting na kampanya ng LTO, zero tolerance ang patakaran laban sa mga pasaway. Bawal ang abuso,handa kaming gumawa ng paraan!

(Jovan Casidsid)