MMDA at Mga Paaralan, Nagtulungan Para Solusyunan ang Trapiko sa Metro Manila
Metro Manila | Nagpulong ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) at mga kinatawan ng ilang malalaking paaralan sa National Capital Region upang talakayin ang mga solusyon sa matinding trapiko sa mga kritikal na lugar lalo na sa may Ortigas area.
Kabilang sa mga tinalakay ang paglalagay ng mga closed-circuit television (CCTV) cameras para sa No Contact Apprehension Policy (NCAP), isang programa na sinusuportahan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. upang maisulong ang disiplina sa kalsada.
Ayon sa MMDA, ilan sa mga chokepoints na binigyang-pansin ay ang mga lugar malapit sa La Salle Greenhills (LSGH) at Saint Pedro Poveda College. Bukod dito, nakipag-ugnayan din ang ahensya sa iba pang pangunahing paaralan tulad ng Ateneo De Manila University, Miriam College, Xavier School, at Immaculate Conception Academy para sa koordinasyon.
Nagpahayag ng suporta ang mga kinatawan ng mga paaralan sa NCAP, na layong bawasan ang mga paglabag sa trapiko gamit ang teknolohiya.
Inaasahang magiging mas maayos ang daloy ng sasakyan sa mga nabanggit na lugar sa tulong ng mga hakbang na ito.
(Buboi Patriarca)


