NUJP, Tutol sa Pagtatanggal kay Eden Santos ng Net 25 sa Malacañang Press Corps

Mariing tinutulan ng National Union of Journalists of the Philippines (NUJP) ang balak ng Presidential Communications Office (PCO) na alisin si Eden Santos, isang reporter ng NET 25, sa Malacañang Press Corps. Ang hakbang na ito ay ginawa matapos sibatan ng PCO ang journalist sa diumano’y paglabag sa protokol at pagtangkang makapanayam si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. nang walang pahintulot.

Bagama’t inirerekomenda ng NUJP ang pormal na proseso sa halip na biglaang pagbabawal, iginiit ng grupo na ang insidente ay dapat magmulat sa Palasyo sa mga dahilan kung bakit nagaganap ang mga “ambush interview”. Ayon sa NUJP, maaaring kulang ang transparency sa mga opisyal na briefing o kaya’y sobrang kontrolado ang access sa Pangulo, na nagtutulak sa mga reporter na gumawa ng paraan para matugunan ang pangangailangan ng publiko sa impormasyon.

“Sa halip na tanggalin si Eden Santos o sinumang journalist, dapat ay pagbutihin ng PCO ang transparency at regular na pakikipag-ugnayan sa press. Ang pag-alis sa isang reporter dahil sa pagtatanong ay hindi solusyon, ito’y paghadlang sa malayang pamamahayag,” pahayag ng NUJP.

Binigyang-diin ng grupo na ang anumang pagbabawal sa media ay pagyurak sa demokrasya, at nanawagan sa administrasyon na huwag gawing dahilan ang “protokol” para pigilan ang kritikal na pag-uulat.

(Darwell Baldos)