PAALALA: Ipinagbabawal ang Light Trucks sa Edsa Mula Lunes hanggang Biyernes – MMDA

Mahigpit na ipinagbabawal ngayon ang pagdaan ng mga light truck sa kahabaan ng Edsa mula Magallanes, Makati City hanggang North Avenue, Quezon City (parehong northbound at southbound) tuwing Lunes hanggang Biyernes, maliban sa mga piyesta opisyal. Ang regulasyong ito ay bahagi ng Unified Vehicular Volume Reduction Program (UVVRP) o number coding scheme na ipinatutupad mula 5:00 ng umaga hanggang 9:00 ng gabi.

(Photo Courtesy to MMDA website www.mmda.gov.ph)

Ayon sa advisory, ang mga light truck na may gross capacity na 4,500 kilograms o mas mababa at/o may anim (6) o higit pang gulong, ay hindi pinapayagang dumaan sa nabanggit na ruta batay sa huling digit ng plaka ng sasakyan:

Lunes: Plakang nagtatapos sa 1 at 2

Martes: Plakang nagtatapos sa 3 at 4

Miyerkules: Plakang nagtatapos sa 5 at 6

Huwebes: Plakang nagtatapos sa 7 at 8

Biyernes: Plakang nagtatapos sa 9 at 0

Layunin ng patakarang ito na mabawasan ang trapiko at mapadali ang daloy ng mga sasakyan sa pangunahing daan ng Kamaynilaan. Pinapaalalahanan ng RoadNews ang mga drayber at operator ng light truck na sumunod sa regulasyon upang maiwasan ang multa at iba pang parusa.

Ang mga apektadong motorista ay maaaring maghanap ng alternatibong ruta o magschedule ng kanilang biyahe nang naaayon sa itinakdang araw ng pagbabawal. Para sa karagdagang impormasyon, maaaring sumangguni sa mga awtoridad ng transportasyon o lokal na pamahalaan.

(Jovan Casidsid)