Timbog ang Top 10 Most Wanted ng Malabon sa Operasyon ng Pulis

Sa isang matagumpay na operasyon ng Malabon City Police Station (CPS), nadakip ang isang personahe sa lungsod na kinikilala bilang ika-10 Most Wanted Person (Station Level) para sa buwan ng Hulyo 2025. Ang nasabing suspek, isang 31-anyos na lalaki at taga-Barangay Catmon, Malabon City, ay hinuli noong ika-18 ng Hulyo, bandang 4:20 ng hapon, sa Sangandaan Public Market sa Caloocan City.

Ayon sa ulat, ang pag-aresto ay isinagawa ng Warrant and Subpoena Section ng Malabon CPS batay sa Warrant of Arrest para sa kasong Robbery na inilabas ni Hon. Josie N. Rodil, Presiding Judge ng RTC Branch 293 sa Malabon City noong Hunyo 27, 2025. Ang piyansa para sa pansamantalang kalayaan ng akusado ay nakatakda sa halagang Php 100,000.00.

Ginamitan ng Alternative Recording Device (Model: 24090RA29G/Redmi Note 14) ang operasyon upang masiguro ang maayos at legal na pagpapatupad ng warrant. Matapos maaresto, agad na sinabihan ang suspek ukol sa dahilan ng kanyang pagdakip at dinala sa Ospital ng Malabon para sa medical examination. Sa kasalukuyan, siya ay nakakulong sa Malabon CPS Custodial Facility habang hinihintay ang commitment order mula sa korte.

Ang tagumpay na ito ay bahagi ng SACLEO (Simultaneous Anti-Criminality Law Enforcement Operations) at patunay sa epektibong pagpapatupad ng NCRPO’s AAA Strategy: Able, Active, at Allied. Layunin ng estratehiyang ito na paigtingin ang kakayahan ng kapulisan, magsagawa ng aktibong operasyon, at palakasin ang pakikipagtulungan sa komunidad upang masugpo ang krimen sa Metro Manila.

Pinuri ni Police Brigadier General Jerry V. Protacio, Acting District Director ng Northern Police District, ang mga otoridad na nasa likod ng operasyon. Aniya, “Ang tagumpay na ito ay patunay sa ating pangako na pangalagaan ang kaligtasan ng publiko at siguruhing makakamit ang hustisya.”

Sa ilalim ng pamumuno ni Police Major General Anthony A. Aberin, Regional Director ng NCRPO, patuloy ang masinsinang kampanya ng kapulisan laban sa kriminalidad upang mapanatili ang kapayapaan at kaayusan sa Kamaynilaan.

(Buboi Patriarca)