Senate Probe vs ‘P360B Flood Control Project’, Ipinakakasa ni Bam!

Nanawagan si Senador Bam Aquino sa Senado na magsagawa ng malalimang imbestigasyon sa flood control program ng pamahalaan matapos ang pagbaha sa iba’t ibang panig ng bansa sanhi ng na tuluy-tuloy na pag-ulan. 

Sa pahayag, sinabi ni  Aquino, kailangang mabusisi ang bisa ng mga hakbang ng pamahalaan kontra baha, na nagpapatuloy pa rin sa kabila ng inilaan na bilyun-bilyong pondo para ito’y masolusyunan. 

Sa ilalim ng 2025 General Appropriations Act, nasa ₱360 bilyon ang inilaan para sa national flood control programs sa ilalim ng DPWH at iba pang kaukulang ahensiya, o katumbas ng halos 20 porsiyento ng kabuuang pondo na P1.6 trilyon para sa imprastraktura. 

“Flood control ang pangako, pero flood out of control ang inabot ng taumbayan. Kailangang busisiin natin nang husto kung nagamit ba sa tama ang bilyon-bilyong pisong pondo para sa flood control,” ani Aquino. 

“Mabuti ring alamin kung epektibo pa ba ang mga plano natin sa flood control o baka nagsasayang lang at napupunta sa wala ang pera mula sa buwis ng taumbayan,” dagdag pa niya. 

Binigyang-diin ng senador na mahalagang matiyak na tama at epektibo ang paggamit ng pondo ng bayan at protektado ang mga komunidad laban sa lumalalang epekto ng climate change. 

Kaugnay nito, patuloy ang pakikipagtulungan ni Aquino sa Department of Social Welfare and Development (DSWD), Angat Buhay, Kaya Natin, Trining’s Kitchen Stories, at iba pang mga grupo para sa paghahanda at pamamahagi ng relief goods at mainit na pagkain sa mga residenteng apektado ng mga pag-ulan. 

Bumisita siya kahapon sa isang soup kitchen operation sa Marikina, at nakatakdang magtungo sa Pampanga ngayong araw (Biyernes) upang pangunahan ang relief efforts. 

Inilunsad niya ang inisyatibang ito noong nakaraang taon sa kasagsagan ng pananalasa ng Bagyong Carina bilang chairman ng Kaya Natin.

Samantala, nanawagan naman si Senador Alan Peter Cayetano sa mamamayan na Magkaisa upang magnilay sa gitna na krisis na kasalukuyang humahagupit sa bansa.

“Prayer and reflection must go hand in hand — and after that, there must be repentance. ‘Pag nagawa natin ‘yan, susunod na riyan y’ung reform,” wika ni Cayetano sa kanyang CIA 365 with Kuya Alan livestream nitong July 24.

Ayon sa senador, hindi muna siya bumalik sa regular na talakayan sa pananampalataya at pamumuno dahil mas mahalagang pagtuunan ngayon ng pansin ang lagay ng bansa — mula sa mga nasalantang lugar gaya ng Bulacan hanggang sa patuloy na gulo sa pulitika at lipunan.

“Hindi ko pa tingin na appropriate na bumalik tayo dun sa mga discussion or teachings or fellowship natin because nakatutok na tayo dito sa mga nangyayari sa ating bansa,” wika niya.

Giit niya, may saysay ang galit ng publiko sa laki ng pondo para sa flood control projects, pero walang saysay ang paghingi ng tawad kung hindi naman nagbabago ang sistema.

“Kung sasabihin lang natin ‘Sorry,’ ‘Mali,’ pero hindi talaga tayo sorry sa puso natin at hindi natin binabago ang sistema ng ating bansa, walang mangyayari,” wika niya.

Binigyang diin din ng senador na maraming problemang matagal nang hindi nasosolusyunan, gaya ng reclamation, urbanisasyon, at kapalpakan sa anti-flooding, kaya patuloy ang pinsala taon-taon.

“Ang hilig kasi natin ay ‘case closed’ pero hindi ‘case solved.’ Palaging sinasabi na sarado na ‘yan, tapos na ‘yan, kahapon na issue na ‘yan, pero hindi naman na-solve y’ung issue,” wika niya.

Kaya ipinaalala niya na ang mga bagyo — mapa-kalikasang sakuna, pulitikal, moral, o pangkabuhayan — ay dapat magsilbing paalala para ayusin ang ating bansa.

“Let’s have a period of individual, community, and national reflection. Sunod-sunod na y’ung storms. Dapat hindi lang tayo galit, dapat may reporma,” aniya. 

(Ernie Reyes para sa RoadNews)